Ang Mga Pinatahimik na Hindi Nanahimik

Pacesetter Newsroom
4 min readJan 6, 2025

--

ni Ancelo del Facio

Dibuho nina Jonelle Caparas at Nikka Yzavela Clavio | Pag-aanyo ni Mariane Porbido

Kinukulong.
Pinapatay.
Sinasaktan.

Tatlo lamang ito sa mga salitang sumasagisag sa malupit na realidad na kinakaharap ng mga pahayagan, mga midya, at peryodista noong dekada sitenta. Panahon kung kailan ang malayang pamamahayag ay itinuturing na kalaban at kasalanan ng mga elementong nabulag sa kapangyarihan.

Matapos ideklara ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar sa pamamagitan ng Proclamation №1082 noong ika-21 ng Setyembre taong 1972, naging sunod-sunod na ang kaliwa’t kanang paglabag sa mga karapatang pantao. Lumaganap ang mga ilegal na pagdakip at pag-aresto, pang-aabuso, at militarisasyon. Marami rin ang naging biktima ng sapilitang pagkawala, at nanatiling takot sa bangungot ang masa.

Kabilang sa mga naging apektado ng diktadurya ay ang malawak na hanay ng midya at mga mamamahayag.

Tandang-tanda ko pa si Liliosa Hilao, isang estudyante at kampus-mamamahayag mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Siya ang unang naitalang bilanggong pulitikal na pinaslang sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr.

Si Hilao ay isa lamang sa mga kagyat na nagpahayag ng pagtutol sa deklarasyon ng batas militar. Dahil mahusay sa pagsusulat at bilang editor noon ng “Hasik,” ang pahayagang pang mag-aaral ng PLM, nagsulat siya ng mga sanaysay at nagsuot din ng kulay itim upang isiwalat ang kanyang mariing pagtutol sa diktadurya ng matandang Marcos.

Nang dakpin si Hilao ay dinala siya sa kampo krame. Sa loob nito ay walang habas siyang sinaktan, pinahirapan, at inabuso. Bakas na bakas pa sa kanyang wala nang buhay na katawan ang dinanas na kalupitan sa kamay ng mga militar — puno ng mga galos at mga pasa.

Isa lamang si Hilao sa nasa 71 mamamahayag na pinatay at tinortyur noong panahon ng diktadurya ayon sa Philippine Movement for Press Freedom.

Bukod kay Hilao, nakulong din sa pasilidad pang detensiyon ng kampo krame ang mga manunulat na sina Luis R. Mauricio, Ninotchka Rosca, at Napoleon Rama.

Hindi rin nakaligtas sa dahas ng militarisadong batas ang mga pahayagan, publikasyon, istasyon, at mga himpilan ng midya. Katunayan, sa pamamagitan ng Letter of Instruction №1, ipinag-utos noon ni Marcos na kunin ang buong kontrol sa lahat ng mga outlet ng midya upang mapigilan aniya ang pagpapakalat ng mga turan-turan niyang “anti-gobyernong progpaganda.”

Bunga nito, tuluyan nang nagbago ang timpla ng mga araw at gabi.

Natatandaan ko pa na tuwing pinipihit ko noon ang talapihitan ng aming maliit na radyo, walang mga boses na lumalabas — statik na tunog lamang ang tanging nangingibabaw. Kapag nagbubukas ako ng telebisyon upang makibalita, blangkong iskrin na lang ang sumasalubong sa akin. Napansin ko rin ang biglaang pagkawala ng mga naglalako ng magasin at diyaryo sa kalsada.

Sa isang pilantik ng kautusan, ipinatigil ang operasyon ng pitong istasyon ng telebisyon. Kabilang sa mga naipasara ang ABS-CBN, ang isa sa mga pinakamalaking istasyon sa ating bansa. Pinilit ring patahimikin ang 16 na pahayagan at 11 magasin, at walang habas na pinagsikapang supilin ang mga tinig ng 66 diyaryong pangkomunidad, at 292 himpilan ng radyo.

Batay pa sa mga ulat, ang mga reporter, patnugot, at mga kolumnistang mula sa Manila Times, The Daily Mirror, Philippine Herald, Manila Chronicle, Philippine News Service, Evening News, at Taliba ay napabilang din sa National List of Target Personalities ng Sandatahang Pwersa ng Pilipinas.

Ang lahat ng ito ay bahagi ng walang puknat na pagsisikap ng matandang Marcos upang pabagsakin ang malayang pamamahayag, kontrolin ang daloy ng impormasyon sa bansa, at itago ang mga karumal-dumal na gawain ng diktadurya, tulad ng mga pagdukot, pagpatay, pang-aabuso, at pasismo na isinasagawa ng pamahalaan katuwang ang pwersa ng mga sundalo.

Ngunit ang midya at mga peryodista na pilit pinatahimik ay hindi tuluyang nanahimik. Nag-ugat ito sa pagsilang ng bagong porma ng pamamahayag at pagbabalita ang mosquito press — mga maliliit na pahayagan o mga publikasyon na may limitadong saklaw at hindi gaanong kilala, ngunit patuloy na nagsisilbing tinig ng mga alternatibong pananaw at opinyon, lalo na sa mga panahon ng pamumuno o kapangyarihang nagtatangka na supilin ang malayang pamamahayag.

Kabilang sa umusbong bilang mosquito press ang mga pahayagang tulad ng Ang Bayan, Balita ng Malayang Pilipinas, Taliba ng Bayan, Liberation, at mga pang-estudyanteng publikasyon na pumapailalim sa College Editors Guild of the Philippines — ang nag-iisa at pinakamalawak na alyansa ng mga publikasyon sa bansa at asya.

Malaki ang naging ambag ng mga ito sa pagpapalaganap ng katotohanan noong mga panahong nililinlang tayo ng kasinungalingan mula sa mga huwad. Naging bahagi sila upang hindi tuluyang manahimik ang industriyang pilit na pinatatahimik. Ang mga pahayagang ito, bagaman palihim at maliit, subalit naging simbolo ng hindi matitinag na diwa ng paglaban — sa kabila ng lahat ng pagsubok, ang katotohanan at kalayaan ay patuloy na maghahanap ng paraan upang magtagumpay.

Sa mahabang kasaysayan ay minsan na tayong ikinulong. Sa loob ng ilang dekada ay marami na ang pinatay. Sa loob ng gumagalaw na panahon ay sandamakmak na ang sinaktan. At magpahanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang pagkulong, pagpatay, at pananakit sa mga peryodista at alagad ng midya. Ngunit alam kong mas lalong lumalakas, lumalawak, at lumalaban ang hanay ng mga mamamahayag — kung kaya’t kahit gaano man kasahol ang pagpapatahimik, hinding-hindi na tayo mananahimik.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response