Biyahe ng pag-iwan
ni Soleil

Delikado, sabi ng mga eksperto
Ngunit naririto pa rin kami, naglalakbay
Lulan ng isang sasakyang kakarag-karag
Patungo sa kung saan.
Aniya habang nagmamaneho:
“Ligtas tayo, ‘wag kang matakot.”
Habang ako nama’y nakatanaw
Sa kulay abong mga ulap; sa itim na hamog
Na nagpapasikip sa aking loob.
“Ligtas ka riyan,”
Aniya habang pinabababa ako ng sasakyan
Malamig at nakapangingilabot ang kawalan,
At ang hanging humahaliw sa aking buhok.
Ngunit mas nakapangingilabot
Kung paano niya ako sinarhan ng pinto.
Tumalikod siya saka humarurot na nang tuluyan
Ako’y iniwan, pinabayaan
Hinayaang sumayaw sa kamay ni kamatayan.