BulSU ‘24-’25 academic calendar, plakado na;

‘Fast-paced’, dikit-dikit na iskedyul, ikinabahala ng BulSUans

Pacesetter Newsroom
5 min readSep 16, 2024

nina Shaira Roque & Alyana Castillo

Pubmat hinggil sa BulSU academic calendar para sa 2024–2025 mula sa opisyal na Facebook page ng Office of the Student Regent (OSR)

Opisyal nang naglabas ang administrasyon ng Bulacan State University (BulSU) ng pang-akademikong kalendaryo para sa taong pampanuruan 2024–2025 noong Lunes, Setyembre 9, sa isang Facebook post ng Office of the Student Regent (OSR).

Nakapaloob sa nasabing kalendaryo ang mahahalagang petsa ng aktibidad sa unibersidad. Ilan sa mga ito ang magiging iskedyul ng eksaminasyon mula ika-7 hanggang ika-12 ng Oktubre, palarong pampamantasan, at iba pang mga gawaing nakahanay para sa dalawang semestre ng pang-akademikong taon.

Matatandaang bago ang pagbubukas ng eskuwela noong Agosto ay naglapag na ng mga petsa ang BulSU para sa enrollment at pagpapasa ng mahahalagang dokumento, ngunit walang naibabang iskedyul para sa kabuuang taon.

Samantala, kumpara sa mga nakaraang taon na nakapagbibigay kaagad ng mga iskedyul, ngayon ay matagal ang naging opisyal na paglalabas ng kalendaryo.

Ikinababahala rin ng ilang BulSUans ang pagkakadikit-dikit ng mga iskedyul at mabilis na paggalaw nito dahil matulin umanong tumalon ang mga petsa bunsod ng pagkaantala ng mga klase dahil sa bagyo.

Pangamba sa iskedyul

Sa hanay ng mga petsa, magkasabay ang iskedyul ng palarong pampamantasan at university health break mula Oktubre 14 hanggang 19.

Bukod pa rito, nasa isang buwan lang din ang ibinigay para sa pagkuha ng mid-year classes kung saan sinasaklaw ang mga On-the-Job Training (OJT).

Isa si Mari Lorenz Faustino, mag-aaral mula sa College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) sa mga umapela sa tila minadaling iskedyul ng mga aktibidad, partikular na ang paparating na eksaminasyon.

Aniya, kapos ang oras para pag-aralan ng mga estudyante ang mga araling hindi natalakay bunsod ng kanselasyon ng klase.

“So, parang doon pa lang [sa class suspensions], nagkaroon na ng lack of time para magkaroon talaga ng knowledge or mapag-aralan talaga ‘yung mga topics na lalabas sa midterm examination,” saad ni Faustino.

“I fear na baka hindi maging prepared ‘yung mga students na mag-face ng midterm examination, given na kumonti na lang ‘yung time for preparation,” dagdag pa niya.

Para naman kay Rodel Ablong ng College of Engineering (COE), masyadong mabilis ang transisyon ng mga petsang ibinaba.

“Masyadong mabilis ‘yung [pacing], opo. Tulad po kasi sa ibang subject namin, ‘di pa po kami nakapag-quiz,” ani Ablong.

Giit naman ng isang propesor sa pamantasan na si Ramon, hindi niya tunay na pangalan, bagama’t kaunti lang ang naging pagbabago ay dikit-dikit ang kaganapan at may posibilidad aniyang madamay ang kanilang holiday season sa pagtutuos ng grado.

“Kumbaga, ‘yung encoding, checking, especially hindi naman agad gano’n kadali lang mag-check. Kahit sabihin naming nag-che-check kami bago pa ’yung pasko na yan, e ‘yung mga final project, records, [at] ‘yung computation, medyo gahol sya ro’n,” pagdidiin ng propesor.

Paliwanag naman ni BULSU Student Government (SG) President at Student Regent Queenie Quintero, maagang naaprubahan ang pang-akademikong kalendaryo para sa taong ito, ngunit nagkaroon ng mga adjustments sa klase dahil sa mga hindi inaasahang pagkakataon katulad ng nagdaang bagyo, dahilan para mahuli ang pagsasapubliko nito.

“Kasi parang ang nangyari, ‘yon ‘yung mas naging ‘dispriority’ ng admin at ngayon lang nila naayos, actually, kaya ngayon lang din namin nakuha [academic calendar],” giit ni Quintero.

“Last time, noong August, hiningi na namin, kaso ang sinasabi, for approval pa raw siya ng VPAA,” dagdag pa ng presidente.

Bagama’t nagbigay ng paliwanag, nilinaw ni Quintero na hindi siya kasama sa nagplano o nag-apruba ng mga iskedyul sa taong pampanuruan.

Isa rin sa mga binigyang-diin niya ang magiging kalagayan ng mga sasalang sa internship.

“Gets naman na may time sila for midyear like six weeks, pero ‘yung six weeks kasi na ‘yon is applicable lang for the classes, it’s not applicable for those na nag-o-OJT, kasi may mga time na doon pa lang sila maghahanap right after their classes kasi sobrang inaasikaso sa acads… hindi naman lahat kaya mag-multitask or something,” ani Quintero.

Samantala, ikinababahala naman ng mag-aaral mula sa College of Education (CoEd) na si Reynaldo Alejandro Jr., ang magiging epekto ng ‘fast-paced’ academic calendar sa kalusugan ng mga kinauukulan, lalo na sa mental na aspeto.

“Ang worry ko lang po kasi no’ng nakita ko ‘to kagabi [academic calendar], I think last semester po may mga teacher po tayo na nag-require na pumasok for university week, baka po maging very exhausting since after ng midterms pa po ‘yon then may midterm projects pa po, and madalas po kasi ro’n sa break natin ginagawa ‘yon,” saad niya.

Dagdag pa ni Alejandro, hindi dapat madaliin ang nakapaloob sa pampanuruang taon at marapat lamang na ihiwalay ang university week sa health break para sa benepisyo ng mga mag-aaral.

Sa kabilang banda, positibo naman ang naging tugon ni John Erick Andes mula sa College of Arts and Letters (CAL) sa naging hanay ng iskedyul para sa pang-akademikong taon.

“Sa tingin ko, if ever naman na walang maaabalang klase na magdudulot na may ma-miss ‘yung mga estudyante sa midterms, like ‘yung sinasabi ng mga teachers natin, okay lang naman sa ‘kin siguro. Komportable ako,” ani Andes.

Konsiderasyon sa mga mag-aaral

Nang tanungin si Quintero kung anong mekanismo ang maaaring gamitin upang ikonsidera ang mga puna at suhestiyon ng mga iskolar sa magiging desisyon ng administrasyon sa hinaharap, sinabi niyang ito ay maituturing na ‘full-admin’ work, kaya hindi maaaring magdesisyon ang mga mag-aaral.

“P’wede natin siya ilaban lalo na as a representation of students as a student regent and part of board. P’wede naman i-gather lahat ng information, comments, and i-raise siya na magkaroon ng changes for the academic calendar,” pahayag ng rehente.

Tiniyak naman ni Quintero na kung magiging parte siya ng pagbuo ng academic calendar sa susunod na taon ay isasaalang-alang niya ang oras at kalusugan ng mga iskolar.

“[Ang] kailangan nating tingnan bukod sa health break ay ‘yung haba ng academic leniency ng students kasi hindi naman p’wede na parang two weeks lang nag-meet then midterm na agad… parang ang ironic no’n kung ano ‘yung na-po-provide ni students na academics, hindi dapat sya pinagko-compress nang isahan,” paglilinaw niya.

Aniya, ang mga nabanggit ang dapat na maging pamantayan sa pagbuo ng opisyal na pang-akademikong kalendaryo.

Gayunpaman, binigyang-diin din ng presidente at rehente ng mga mag-aaral na magbababa ang OSR ng impormasyon kung paano maipararating ng mga estudyante ang kanilang mga suhestiyon at komento patungkol sa academic calendar upang makapaglabas ng petisyon.

Shaira Roque is a freshman staff writer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a first year BS Psychology student from the College of Social Sciences and Philosophy.

Alyana Castillo is a staff writer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a first-year Journalism student from the College of Arts and Letters.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response