Hindi Alternatibong Karera ang Kinabukasan ng Masa

Pacesetter Newsroom
6 min readOct 27, 2024

--

Daniela Mauricio | Puhon

Dibuho ni Arvinelle Ramirez

Nasa isang kritikal na sangandaan ang mga botante ngayong papalapit na eleksyon; isang maling boto, tayo ang dehado at kinabukasan ang nakataya.

Ipinuwesto ng nalalapit na halalan ang mga Pilipino sa pagitan ng mga uri ng kandidatong naghahangad ng silya sa pagkalider: isang opsiyon na walang kaduda-dudang may malinis na kredensiyal, at isang ‘influencer,’ o hindi naman kaya ay dating artista na nilaos ng panahon.

Kung babalikan ang kronolohiya ng kasaysayang pulitikal ng bansa, marahil ay lumamlam ang tunay na diwa ng pakikibaka na siyang dinomina ng dinastiya at ganid sa kapangyarihan. Sa panahon ngayon, ang pagtingin sa larangan ng pulitika ay itinuring bilang retirement plan, maging ang pagpasok sa serbisyo publiko. Idagdag pa rito ang mga miyembro ng mga retiradong militar, mga anak ng mga panginoong may lupa at malalaking burgesiya komprador, mga dating ipiniit sa bilibid dahil sa kasong kriminal, at mga may nakabinbing kaso ng pang-aabuso.

Hindi na malabong mananaig ang mga pangalang matagal nang nakaukit sa kamalayan ng masa na sinasamantala ngayon ng mga may tanyag na pangalan at impluwensya. Ayon sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), mayroong tinatayang 18,200 na elective positions sa pambansa at lokal na antas na pagbobotohan ng tinatayang 68 milyong rehistradong botante sa taong 2025. Sa dami ng mga kandidatong naglalaban sa puwesto, palaging ang sikat ang umaagaw ng atensiyon. Parte ito ng kanilang pribilehiyo na siyang nakababahalang mangibabaw sa pagkapanalo.

Noong araw, ang mga tumatakbo sa puwesto ay mga doktor, abogado, at ekonomista na malinaw na may talaan ng kredensiyal at may pundasyon sa edukasyon. Ngunit sa mga naganap na eleksyon mula taong 2016 hanggang 2019, napatunayan na mas pinipili ng karamihani sa mamamayan ang mga ex-convict at mga pulitikong nahaharap sa kasong plunder kaysa mga de-kalibreng kandidato. Natatali ang mayorya sa isang malaking tanong: Ipinagpapalit na nga rin ba ang ekonomista sa magnanakaw?

Hindi maitatangging ka-kuwestiyon kuwestiyong bagay na mas mataas pa ang inaasahan sa mga cashier sa pamilihan kaysa mga tatakbo sa posisyon sa gobyerno. Ang kinakailangang pamantayan para sa mga trabahong iyon ay diploma mula sa kolehiyo, samantalang ang mga posisyong buhay ng publiko ang nakasalalay ay may mas magaan pang kahingian.

Parang butas ng karayom ang daan para sa mga may mahihinang boses; madalas na nabubura ang pangalan at itinuturing na ‘nuisance candidates’ o pampagulo, habang ang mga kilalang tao ay madaling hinahayaang makatakbo. Kapag umayon ang lahat at ang mga kandidatong ito ay nanalo, kadalasang nakatuon ang sisi sa mga ‘bobotante,’ na nagiging dahilan kung bakit nahalal ang ganitong uri ng tao. Ang konsepto ng bobotante ay naglalagay ng stigma sa mga naghahalal at nagpapababa sa kanilang papel sa demokrasiya na siyang ginagamit din ng mga kandidato para sa pansariling interes.

Hindi ito kasalanan ng mga botante. Marahil ang ilang mga may pribilehiyo na umalam, oo, dahil madalas silang nagbubulag-bulagan sa katotohanan kahit na ang mga impormasyon ay nakahain na sa mesa. Sa kabilang banda, hindi kasalanan ng mga salat sa yaman at mga napipilitang ipagbili ang kanilang boto na iluklok ang mga taong ito, lalo na kung wala silang maihahain sa hapag, dahil malinaw na nasa itaas din ang may kagagawan.

Ayon sa Election Code ng Pilipinas, ang mga kuwalipikasyon para makatakbo sa halalan ay dokumentong nagpapatunay na siya ay mamamayang Pilipino, 25 taong gulang para sa senador at 18 taong gulang para sa lokal na opisyal, at residente ng nasasakupan ng posisyon nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalan.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code o Batas Republika 9369, kinokonsidera pa rin ang presumption of innocence sa mga indibiduwal na may kinahaharap na kaso at may hatol na higit sa isang tao kung naisin man nilang tumakbo sa puwesto. Samakatuwid, binibigyang karapatan pa rin ang isang kandidatong may kaso sa proseso ng paglilitis kaya hangga’t walang napatutunayan, hindi siya maaaring pagbawalan na magsumite ng kandidatura. Ang butas na ito ay sinasamantala ng mga mapanlinlang na gaya nina Apollo Quiboloy at Alice Guo, mga puganteng nagtatago sa mabangong imahe at literal na nagtatago rin sa kamay ng batas upang kuanin tiwala ng taong bayan gamit ang mga pansariling interes.

Isang usapin ngayon ay ang pagtakbo sa senado ni Quiboloy, isang doomsday preacher na hinahanap ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at may kinahaharap na patong-patong na mga kaso ng pang-aabuso, partikular sa mga kababaihan at menor de edad. Tunay at hindi maipagkakaila na talo at patunay ito na hindi kayang protektahan ng COMELEC ang bayan laban sa mga may hindi magandang intensiyon.

Marahil ay hindi lang balota ang iniitiman, kung hindi maging ang masasamang mga balak.

Isa pang kontrobersiyal na pangalan ang inilimbag sa publiko ni Guo, isa ring pugante, pinaghihinalaang espiya ng Tsina at hindi tunay na Pilipino. Bagama’t umatras sa kanyang kandidatura ay pinayagan pa rin ng COMELEC na tumakbo. Ang ganitong uri ng kandidatura ay mas naglalantad lamang ng kahinaan ng ating sistema kung saan ang integridad at delikadesa ay nabubura.

Ang mga personalidad na unti-unting nawawala sa kamalayan ng publiko, o kung tawagin nga ay laos na, ay tila ginagamit ang eleksyon bilang bahagi ng kanilang retirement plan. Tila ang pulitika ang kanilang nagsisilbing bagong entablado para kumuha ng spotlight. Nararapat lamang na gisingin ang mga ito sa ilusyon na ang pamumuno ay maidadaan lamang sa karisma dahil ang kailangan ng mga mamamayan ay serbisyo at sakripisyo, hindi mga ngiti at drama na nakikita sa mga teleserye.

Tatakbo ngayong eleksyon ang mga artistang sina Aljur Abrenica, Marco Gumabao, Ion Perez, Enzo Pineda, at Luis Manzano na anak ni Vilma Santos na beteranang aktres at parte rin ng pulitika. Hindi rin naiiba sa hanay na ito ang mga social media influencer tulad ni Rosmar na nagsasabing mula siya sa ‘pilot section’ noong kolehiyo, ngunit kailan pa nagkaroon ng pilot section sa kolehiyo? Nariyan din si Diwata na nag-aangking boses ng mga manininda, ngunit may anino ng malalaking negosiyante. Walang mababakas na tunay na hangaring maglingkod sa mga maliliit.

Kasama rin sa mga nagpahayag ng interes sa kandidatura ang mga personalidad tulad nina Willie Revillame na nagsabing magbibigay lamang siya ng plataporma kapag tiyak na ang kanyang panalo, at Philip Salvador, na ayon sa isang panayam ay nagbitaw ng mga katagang “mamatay na lahat” laban sa hindi nito mga tagahanga.

Sabihin mang may ilang personalidad na naging mahusay sa kanilang tungkulin, ang isyu ay ang kapansin-pansin na lumalaking bilang ng mga artistang tumatakbo sa halalan kahit wala namang alam sa batas o kung paano magpatakbo ng isang opisina — tila isang palatandaan na ang espasyo para sa pulitika ay inaangkin na rin ng mga sikat na pangalan.

Ang mga tauhang ginagawa lamang retirement plan ang pagtakbo sa eleksyon ay lalong nagpapabulok sa sistema nating matagal nang inaanay. Sa halip na magsilbing tunay na tagapaglingkod, tila nagiging personal na proyekto ang pulitika para sa kanila. Hindi naiisip ng mga ito na ang taong bayan ang nagpapasuweldo sa mga nasa itaas, kaya’t nararapat lamang na pagsilbihan nila ito nang tapat at naaayon sa tungkulin.

Hindi entablado ang gobyerno na nakabukas para sa mga payaso, isang kanlungan para sa mga kriminal at tiwaling opisyal, o isang retirement plan para sa mga tanyag na personalidad. Nararapat na sa mga susunod na panahon ay matugunan ng kaukulang hakbang ng COMELEC na hindi dapat ginagawang katawa-tawa ang proseso ng halalan at dapat na mayroong kinikilalang mataas na pamantayan. Kung magpapatuloy ang ganitong paglalaro sa eleksyon, tiyak na sama-samang lulubog ang Pilipinas sa huwad na “Bagong Pilipinas”.

Habang papalapit ang halalan, maging mas mapanuri sa mga ihahalal na lingkod-bayan dahil nakataya rito ang kinabukasan, hindi lamang nating mga botanteng nakibahagi sa pagkakaluklok ng mga lider na ito, kung hindi pati na rin ng mga susunod pang henerasyong bubuo sa lipunan.

Walang puwang ang pagromantisa sa kahirapan dahil hindi tayo bida sa isang teleseryeng makatatayo kahit ilang beses mang madapa. Nakasalalay sa ating mga kamay ang kahihinatnan ng ating bayan. Sa paparating na halalan, nararapat na wakasan na natin ang kahibangan ng mga delusiyonal na trapo at kandidato dahil ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng Pilipino at wala sa mga nag-aakalang pulang karpet ang dinaraanan para pagsilbihan ang bayan.

Daniela Mauricio is a junior staff writer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response