Hindi Tayo Habambuhay Isasalba ng Ayuda

Pacesetter Newsroom
5 min readOct 31, 2024

--

Sheila Natividad | Iridescent

Dibuho ni Janelle Alagao

Hindi palaging de-lata ang sagot sa hagupit ng delubyo at mataas na tubig baha.

Taon-taon kung bisitahin ng bagyo ang Pilipinas sa iba’t ibang pangalan. Mula pa kina Ondoy at Yolanda, hanggang kina Carina at Kristine na walang haligi at bubong na pinalampas. Sa bansang may dalawang panahon lamang na pamimilian kung tag-araw o tag-ulan, ano’t ano pa man ay palaging hinahamon ng kalikasan ang sambayanan sa paraang nag-uugat din sa iisang dahilan–ang kawalan ng responsibilidad mula sa mga nasa itaas.

At sa sandaling durugin na naman ng mga bagyong ito ang daan-daang tahanan, kung hindi simpatya ang dumating ay pakete ng noodles at lata ng sardinas na sinelyuhan pa ng trapong mukha sa harapan.

Nito lamang Oktubre 20, matatandaang pinasok ng Bagyong Kristine ang Philippine Area of Responsibility (PAR) kung saan 69 probinsya mula sa 16 rehiyon sa bansa ang napinsala. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO), 81 ang naitalang patay, 66 ang sugatan, habang 34 ang nawawala base sa pinakahuling tala noong Oktubre 27, pitong araw matapos magsimulang manalasa ang bagyo.

Hindi ganito ang eksenang pinangarap makita ng daang milyong Pilipino na nagtiwala sa diwa ng ‘Bagong Pilipinas’.

Sa naging State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Hulyo 22, buong tapang nitong ipinagmalaki na mayroong 5,500 flood control projects ang gobyerno para solusyunan ang matinding pagbaha sa tuwing hahagupitin ng mga bagyo ang iba’t ibang lugar. Ngunit sa pambihirang pagkakataon din matapos ang anunsiyong ito, hinagupit ng Super Typhoon Carina at Habagat ang bansa kung saan 93,000 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan, at mahigit 1.17 bilyong piso ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ang mga numerong ito ng pinsala tuwing bagyo hindi lamang sa iisang bayan kung hindi sa magkakaibang pulo ay hindi nangangahulugang mahina ang pundasyon ng mga tahanang tinitirhan ng bawat pamilya. Dapat isisi sa mga kakulangan ng proyekto ng palyadong administrasyon na dapat ay tumutugon sa kakulangan ng sambayanan.

Hindi nalalayo sa senaryong ito ang ilang mga coastal at catch basin areas, tulad na lamang sa Bulacan na tila kinasanayan at pinatibay na lamang din ng paniniwalang normal ang matulog sa papag na nakalutang sa mataas na baha. Sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit, ang mga serye ng pag-ulan sa tatlong magkakasunod na araw ay tiyak na pangangambahan na ng bawat pamilya. Hindi pa man nag-aanunsiyo sa midya o nakapakikinig ng balita, awtomatiko nang itinataas ng mga ito ang kani-kanilang mga gamit sa kisame, o kung masuwerte ay sa ikalawang palapag na siguradong hindi maaabot ng tubig.

Nakalulungkot isipin na mas pinili na rin ng ilang residente na hindi umalis sa mga lugar na ito. Katuwiran ng iba, sanayan lang ang mamuhay sa high tide at low tide. Bagama’t nakalulungkot, hindi ba dapat na ito ay maging ‘nakagagalit’? Nakagagalit sa paraang ganito ang sitwasyon, ngunit walang hakbang na magmumula sa mga namumuno patungo sa kanilang nasasakupan.

Matapos ang bagyo, bubugso ang pamamahagi ng rasyon na nakasilid pa sa plastik na nilalamnan ng isang kilong bigas, dalawang sardinas, at tatlong pakete ng noodles na kung minsan ay durog pa. Kumbaga sa bilang ng isa, dalawa, at tatlo, nagtutugma rin ang pagpaparte ng mga ayuda sa bawat pamilya na kung tutuusin ay hindi tatagal sa loob ng tatlong araw, at mas lalong hindi sasapat sa isang linggong pananalasa ng bagyo.

Isang malaking kabalintunaan ang sabihing ang ganitong uri ng tulong ay tumutugon sa malalim na pinsalang iniiwan ng delubyo. Hindi malilimas ng isang kilong bigas ang mga banlik at burak na iiwan ng tubig baha. Hindi kayang gamutin ng mga hibla ng noodles ang mga pamilyang nalagas at sinumang nawalan ng mahal sa buhay–at mas lalong hindi ang mga ayudang ito ang solusyon sa ilang taon nang iniinda na paglubog ng mga tahanan; ang kailangan natin ay pananagutan mula sa mga salaring nangako na ang pagsisilbi nila ay para lamang sa mga Pilipino.

Mula sa mga numero ng bangkay, pagkawala, at pinsala na iniwan sa atin nina Ondoy, Yolanda, Carina, Kristine, at marami pang iba, mayroong pangangailangan para sa sama-samang pagtindig dahil sa tuwing hindi natin hinahanapan ng sagot ang mga tanong na dapat ay kinakalinga ng mga binoto nating lider, ay awtomatiko rin nating binabalewala ang bigat ng sitwasyon.

Sa gitna ng nagpapatuloy na reklamasyon sa Manila Bay at karugtong na mga isla na pinangungunahan ng dambuhalang korporasyon ng San Miguel Corporation (SMC), mas lalong umiigting ang pagbaha. Katunayan, noong Agosto lamang ay ibinihagi ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Maria Antonia Yulo-Loyzaga na habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng mga imprastraktura na nagdudulot ng pagbabago sa pisikal at heyometrikal na aspeto ay nagpapabagal din sa daloy ng tubig. Sa mga nagdaang bagyo, ilan sa mga bato at palitada ng tahanan sa mga islang nagdurugtong sa pusod ng Manila Bay ay tuluyan nang inanod ng malalaking daluyong kung saan nalagay sa bingit ang buhay ng mga residente.

Walang masama sa diwa ng bayanihan na nangangailangan ng kamay at bisig, ngunit dapat maikintal sa puso at isip ninuman na may karapatan tayong kuwestiyunin ang mga nasa itaas dahil tayo rin ang nagluklok sa rurok kung nasaan sila nakaupo ngayon–nagmamasid na para bang walang kababayan na nalulunod sa kanilang kawalan ng pananagutan sa bayan.

Isa rin sa mga proyekto na maituturing na panapal lamang sa mga suliranin tuwing bagyo ay ang mga flood water pumps na sumisipsip ng tubig baha. Ilang litro man ang higupin nito mula sa mga kanto at eskinita, mahuhusto rin nito ang hangganan sa dahilang hindi ito pangmatagalang solusyon na direktang tutugon sa tuwing may lulubog na mga tahanan.

Isinasalba man tayo ng bota at balsa sa mga sitwasyon ng bagyo at pagbaha, hindi malabong dumating din ang panahon na ang mga bahay na pansamantala lamang na lumulubog ay habambuhay nang hindi maaninag at tuluyang mabubura sa mapa.

Walang ‘Bagong Pilipinas’ kung ang pagkamatay at kawalan ng hanapbuhay ay nainonormalisa na lamang bilang pangkaraniwang danas sa tuwing dadalawin tayo ng anumang bagyo. Magbago man ang pangalang kumatok sa atin sa mga susunod pang taon at buwan, lilipulin at gagapiin tayo ng mga ito kung hindi maglalapag ng kongkretong solusyon ang gobyerno sa kung paano tutugunan ang mga ito — mananatiling normal ang anurin muna ng tubig bago tulungan ng mga may kapangyarihan.

Ang kailangan nating pananggalang sa panahon ng delubyo ay solusyong pangmatagalan, hindi nakasupot na rasyon at de-lata na tumutugon lamang sa gutom na panandalian.

Sheila Natividad is the Editor-in-Chief of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response