Isang Hakbang Pasulong, Dalawang Hakbang Paurong

Walang tagumpay na dapat ipagbunyi sa inaprubahang unang hakbang ng pagsulong ng Inclusivity and Welfare Promotion of Students with Special Needs kung ang mismong sektor na tinutugunan nito ay hindi man lang nabigyan ng opisyal na kopya — dalawang hakbang paurong ang katumbas.
Isa sa mga pinakamarhinalisadong sektor sa Bulacan State University (BulSU) ay ang mga Persons with Disabilities (PWDs). Karapatan nilang magkaroon ng benepisyong aagapay sa kanila, ngunit tila nananatili itong isang pangakong hindi nabigyang katuparan — isang ilusyon ng progreso na hindi maramdaman sa realidad.
Noong Agosto 17 nitong 2024, inihain ni Student Government (SG) President at Student Regent (SR) Queenie Quintero ang Executive Order №6 na naglalayong bigyan ng representasyon, espasyo, at programa ang sektor na ito sa unibersidad. Itinalaga si Gemryl Therese Marcelino mula sa College of Architecture and Fine Arts (CAFA) bilang tagapangulo ng samahan, dahil siya mismo, ay danas din ang mga kakulangan na dapat tugunan sa kanilang sektor.
Apat na araw makalipas, mabilis na naaprubahan ng Board of Regents (BOR) ang panukala noong Agosto 21. Ngunit lumipas ang anim na buwan, at ni anino ng opisyal na dokumento ay hindi nasilayan ng mismong mga PWDs na dapat nitong pinaglilingkuran. Isa itong malinaw na indikasyon ng sistematikong kapabayaan sa isang sektor na matagal nang nasa laylayan.
Sa panayam ng Pacesetter kay Quintero, inamin niyang walang kopyang natanggap si Marcelino.
“Hindi sila nagkaroon ng kopya kasi ngayon lang din nag-sink in sa akin ‘yung pagkakaroon ng copy nu’ng guidelines itself,” pahayag niya. Isang tahasang pag-amin na walang agarang aksiyon mula sa lider-estudyante upang ipatupad ang sariling mandato, at marahil ay manipestasyon ding hindi sasampa sa isandaang porsiyento ang malasakit sa sektor na tuwing eleksiyon lang nadidinig ng isang pares ng tainga.
Kung tunay ngang inilaan ang EO №6 upang mapabuti ang komunikasyon sa sektor, bakit walang nangyaring abot-kamay na serbisyo sa loob ng kalahating taon? Bakit kinailangan pang itulak ng iba’t ibang mag-aaral ang isyu bago tuluyang isinapubliko ang opisyal na dokumento?
Ito ang reyalidad ng sistemang bulag at bingi sa hinaing ng mga PWDs — isang sistemang mas inuuna ang pormalidad ng pagpasa ng panukala kaysa sa aktuwal na implementasyon nito. Ang kawalan ng agarang aksiyon ay hindi lamang isang simpleng pagkukulang kundi isang anyo ng diskriminasyon.
“Saan po ba nakalabas [‘yung PWD guidelines]? Saan po makikita ‘yung guidelines mismo? Meron na po ba?” tanong ni Marcelino.
Aminado si Marcelino na bilang kinatawan ng mga PWDs ng pamantasan, mayroon aniya itong pagkukulang sa kaniyang posisyon. Subalit, bilang siya ay walang karanasan sa paglilingkod, hindi ito natugunan nang maayos. Hindi natupad ang pangakong abot-kamay na serbisyo kabilang ang mga katulad niya — ang kanilang sektor.
“Tapos ang sinabi po niya [Quintero], tutulungan niya naman po ako. Tapos sinabi ko rin naman po na wala akong experience sa mga gano’n,” salaysay pa ng tagapangulo ng asosasyon ng PWDs.
Nagmistulang suntok sa buwan ang mga inisyatibang inilatag para sa sektor. Madalas man nating marinig ang boses ni Marcelino tuwing isasagawa ang First Day Fight bilang panimula ng semestre na inoorganisa ng SG, hindi rito nagtatapos ang pagkakaroon ng komunikasyon at representasyon para sa sektor na kinabibilangan nila.
Nang tanungin si Quintero kung paano nga ba ang proseso upang makakuha ng kopya ng PWD guidelines, sinabi nitong kailangan pang magpadala ng request sa BOR secretary para sa personal na kopya.
Sa halip na maging proaktibo, tila ipinasa pa sa mga estudyante ang responsibilidad ng paghingi ng dokumento sa BOR Secretary na anumang anggulo tingnan ay hindi kailanman magiging porma ng paglilingkod.
“Actually, to be honest, yeah, tama naman na dapat mandato ko na ilabas siya agad, pero sa loob ng council, wala man lang nakapag-raise na, ‘nasaan ‘yung PWD guidelines?’ kung kailan lang din nag-post si BulSUan na ‘yung PWD [guidelines] pasado na, doon lang din nag-reach out,” depensa ng rehente ng mga mag-aaral.
“And we all know naman sa Bulacan State University, hindi lang naman super majority ang nasa student government,” dagdag pa niya.
Kung titilarin ang mga pahayag na ito ni Quintero, malinaw na hindi lang pagsasawalang-bahala ang pamamahagi ng kopya ng nasabing guidelines — walang naging pagkilos mula sa kaniyang opisina at mga kapwa lider-estudyante upang gumawa ng hakbang na bigkisin ang kamalayan ng mga BulSUan sa sektor.
Sa kasalukuyan, pormal nang inilathala sa opisyal na Facebook page ng Office of the Student Regent ng BulSU ang kopya ng PWD Guidelines matapos umapela ang iba’t ibang mag-aaral sa unibersidad kung kailan ito mababasa at mabibigyan ng pagtanaw.
Hindi madali ang pagkakaroon ng mga ganitong polisiya. Ilang taon at buwan ang kailangang lumipas bago ito maipasa. At lalong hindi rin madali ang pagkakaroon ng koneksiyon sa komunidad ng PWDs, kaya ang panawagan ng mga tulad ni Marcelino, sana ay mismong konseho ang lumapit sa kanila dahil may kahingian ang kanilang kondisyon.
“Pero maraming reason po kasi kung bakit po ‘di sila nag-submit [PWD guidelines]. Either nahihiya po sila, or ‘di po sila sanay sa mga gano’n. Or hindi lang po talaga nakarating sa kanila,” saad ni Marcelino.
“Kasi po hindi nakakarating mismo sa mga PWD student [ang guidelines]. Although nae-experience po namin ‘yung mga facilities na ‘to [sa BulSU], tapos ‘yung pagbaba nga po ng mga classroom. Pero ‘yung mismo pong PWD guidelines, hindi po kami aware,” dagdag pa niya.
Tagumpay kung maituturing ito ng administrasyon ng pamantasan, gayundin ang SG. Pero kung ang mismong pinagbabalingan ng panukala ay hindi nakatatamasa maski opisyal na kopya ng dapat sana ay gabay sa pagpapalawig ng pag-intindi sa danas ng kanilang sektor, ilusyong iboses sa masang estudyante na ito ay tagumpay dahil lang sinabing pasado na.
Hindi katatawanan, at mas lalong hindi bantad na biro ang pagkakaroon ng kapansanan. Hindi isang plataporma lang ang PWD sa taunang eleksiyon at kinikilala lang sa mga titik na ipininta sa karatula — nangangailangan sila ng espasyo sa pamantasan at lipunang pinagkakaitan ng karampatang serbisyo.
Matagal na panahon ang hinihintay ng pag-usad, at hindi kailanman dahilan na makalimutan ito kung may sinumpaang pangako na manilbihan.