Kriminal, Hindi Artista

Pacesetter Newsroom
4 min readSep 7, 2024

John Josua Jusi | Silab

Pag-aanyo ni Clark Maglaque

Nakagagalit.

Itinuturing na ‘patas’ ang sistema ng hustisya sa Pilipinas — pero marahil ay para nga lamang sa mayayaman at ganid sa kapangyarihan.

Simula pa man noong panahon ng pamamalakad ng rehimeng Duterte, hanggang sa mapagbalatkayong administrasyon ngayon ni Marcos Jr., talamak ang paggamit ng dahas para lamang maipakitang may ngipin ang hustisya sa bansa.

Makikita ng mga Pilipino kung paanong nagmumukhang tigre ang pulisya at militar sa tuwing haharap ang mga ito sa mga walang itinatagong limpak na yaman at pinagkaitan ng kapangyarihan, habang dilat din ang ating dalawang mata sa kung paano nagiging tuta ang awtoridad sa mga kriminal na kayang gawing kumot ang salapi.

Hindi ito nalalayo sa senaryo ng pagkakahuli ng Indonesia sa sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Guo Hua Ping, o mas kilala bilang Alice Guo na humaharap sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Bamban. Isinisiwalat nito ang tunay na mukha ng hustisya sa Pilipinas na umiiral lamang sa mga nasa laylayan habang hinahayaang makatakas sa kasalanan ang mga tunay na may atraso sa ating bayan — pinaglilingkuran pa na parang lokal na artista at personalidad.

Isang malaking kuwestiyon ito sa pamahalaang hirap na hirap panagutin ang mga Tsinong sangkot sa iligal na droga, kidnap-for-ransom, at torture na hanggang ngayon ay talamak pa rin kahit na nag-anunsyo na si Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng “total ban” sa operasyon ng POGO sa bansa.

Hindi totoong anghel ang mga ito na lumilinang ng ekonomiya, at mas lalong hindi natin kaibigan ang mga hipokritong ito.

Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng pamamalakad ng mga naghaharing-uri, mas lalo lamang yayabong ang pugad ng mga kriminal at mga mapagprotektang linta nito, habang ang mga normal na mamamayan ay pinagdaramutan ng karapatang pantao.

Mainit sa mata ng militar ang mobilisasyon ng mga progresibong grupo at sektor sa bansa. Sa mga ikinakalampag na mga panawagan sa kalsada, agad na masasalubong ang galit at pangil ng mga awtoridad na mistulang takot sa bawat sigaw ng mga aktibista.

Habang nagngingitngit sa galit at buong puwersang binubusalan ng kapulisan ang mga hindi armadong aktibista, hindi naman nila mailabas ang kanilang tapang sa mga makapangyarihan at sakim sa salapi. Palagi na lamang ang mga nasa tuktok ng tatsulok ang nakaliligtas sa kamay ng hustisya, habang walang awang minamaltrato ng batas ang mga mamamayang nasa laylayan.

Sa kabilang banda, habang isinasampal sa atin ang pagdurusa dulot ng hindi pantay na pagtingin ng estado, tahasang binabastos ni Alice Guo ang mga Pilipino sa kanyang pakikipaglaro sa kamay ng batas.

Ang isang pugante kagaya ni Guo ay hindi dapat tinatratong parang panginoon. Hindi dapat pinakikiusapan sa pagpapakuha ng larawan, at mas lalong hindi hinahainan ng makakain sa isang hukuman dahil wala namang kriminal ang dapat pakitaan ng simpatya at sambahin na parang may malaking pangalan sa industriya ng pag-aartista.

Magsilbi nawa itong paalala sa mga kasapi ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Guo, bagama’t maamo ang mukha, ay demonyo dahil sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering, gross misconduct, illegal recruitment, fake identity, at corruption.

Tunay ngang repleksiyon ito ng bulok at mabahong sistemang pilit na pinababango sa ilong ng mga mayayaman, habang inuuod sa rehas ang mga inosente.

Kung totoong may ngipin ang batas, bakit ang mga dukha lamang ang nakararanas nito? O baka naman pustiso lamang talaga ang suot ng awtoridad na kaya lamang kumagat sa mga malalambot at walang labang tao.

Kung dugo at buhay ang ibinuwis ng mga taong nagbayad sa kasalanang hindi naman nila kagagawan, mas nararapat lamang na buhay din ang kapalit para sa mga puganteng katulad ni Guo na napatunayang utak ng maraming krimen dito sa ating bansa.

Marahil ang tugon ng karamihan ay mas lalong tumapang ang sistemang panghustisya sa Pilipinas, ngunit hinahamon kayo ng sambayanan na sabihin iyan sa harap ng pamilya ng mga inosenteng literal na tinapakan, dinukot, pinaslang, at pinatahimik ng mga bala.

Higit na dumumi ang lupa kasabay ng pagdanak ng dugo, at dapat pagbayarin ang mga totoong kriminal, ang mga mapagpanggap na protektor ng mga tunay na may sala, at ang mga alipin ng salapi na walang ibang inisip kundi ang kanilang mga sarili.

Walang sinumang may karapatang gawing pribilehiyo ang pagiging kriminal dahil ang paglapastangan sa ating bayan ay dapat na pagbayaran — mapa-artista, politiko, o mapagbalatkayong indibiduwal man.

John Josua Jusi is the Associate Editor of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a second-year broadcasting student from the College of Arts and Letters.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

No responses yet

Write a response