Kung Paano Ilalarawan ang Kulay ng Pag-iisa

ni Airi Martin

Pacesetter Newsroom
10 min readFeb 26, 2025
Pag-aanyo ni Andrei Salalac

Pangalan: Walang nakakakilala

Edad: Walang nakakaalam

At ngayong araw ng mga puso, walang nakakaalala.

Marka na ng araw ng mga puso ang pag-alala sa mga taong iniibig ng isa, maging mga kaibigan at kapamilya. Sa dami ng mga mukhang dibuho ni Ka Ronald*, edad 38, wala ni isa sa kanila ay kilala niya — ang mga mukha ng kaniyang pagsisikap ay nagiging alaala na lamang sa isang pintor na hindi na kayang ipinta pang muli ang mga ito.

Nag-iisa na lamang sa buhay, nananahan pa rin si Ka Ronald sa Sto. Rosario sa Malolos, Bulacan kung saan unti-unti na rin siyang napaglipasan ng panahon. Bagama’t bata pa kung tutuusin, ilang buhay na rin ang dumaan sa kaniya at nanatiling nasa mga palad niya.

Kuhang larawan ni Arvinelle Ramirez

Mga kulay ni Ka Ronald

Sa murang edad na siyam na taong gulang, hilig na ni Ka Ronald ang pagguhit. Ito rin ang naging dahilan kung paanong nakapagtapos siya ng elementarya bilang iskolar. Ngayong halos 29 taon na siyang alagad ng sining, isa na rin siya sa mga nagbabahagi ng talentong ito.

Tuwing Sabado at Linggo ay ibinibuhos niya ang lakas sa pagtuturo ng pagguhit, habang karamihan naman ng kaniyang mga araw ay nakatuon sa paggawa ng iba’t ibang uri ng dibuho, maging mga mural, at sa pagiging on-call artist sa isang tindahan ng mga kuwadro rito sa bayan ng Malolos.

“Minsan, ‘yung mga artist na nagpapa-frame dito, sa akin nagpapapili [kung] anong bagay. Parang designer na rin nila ‘ko,” kwento niya. Dagdag pa ni Ka Ronald, bilang tulong ay nagbibigay din siya ng diskuwento sa mga kapwa niya alagad ng sining na nagpapagawa rito.

Sa mga dibuho naman, kadalasan ay charcoal portrait ang ipinapagawa sa kaniya. Sabay naman nito ay ang paglikha niya ng sariling mga abstract na piyesa, at minsan naman ay mga oil paintings na iba-iba rin ang sukat.

Kung abstract ang ipagagawa, ang pinakamababang bigay na niya ay P8,000 hanggang P50,000 depende pa rin sa laki habang ang mga charcoal portrait naman ay P1,500 lamang sa pinakamurang presyo nito.

Gayunpaman, malaki pa rin ang impluwensiya ng pagkakakilanlan sa pangalan ng gagawa nito, “Kumporme din kasi sa class ng artist ‘yan e. Kaya doon mo maibabase. Lalo ‘pag may record pa ‘yung artist, kilalang artist, mas tumataas ang value,” dagdag ni Ka Ronald.

Kung sa magandang medium naman katulad ng oil, ang pinakamababang presyo nito sa kilalang mga pintor ay pumapalo ng P15,000, samantalang P8,000 lamang ito sa hindi pa gaanong kilala sa industriya. Malaki na rin ang agwat sa kita ng isang kilalang pintor at ng nagsi-simula pa lamang kung ikukumpara.

“Nakakabuhay naman sa pang-araw-araw [ang kita rito]. Nakakabayad ng pang-utang, sa tubig, kuryente,” aniya, bagama’t kumikirot din ang bulsa sa tuwing magtataas ng presyo ang mga materyales.

“Medyo mahal ngayon ang mga gamit. Kaya medyo kailangan, magpu-push kami na magdagdag nang kaunti, kaso nga lang, minsan ‘di na nangyayari ‘yun kasi doon na kami nakasanayan na gano’ng presyo,” daing niya.

Kahit pa gipit din sa sarili, para kay Ka Ronald, mahalaga pa rin ang pagbabahagi sa kapwa ng kung anumang pagpapala ang ibinababa sa kaniya. Bukod sa pagbibigay ng diskuwento sa mga kapwa niya pintor, isa pa sa mga pamamaraan niya ay ang paggawa ng mga mural.

“Nakikita ko, tinatapunan ng basura. E, gusto ko malinis. ‘Yun ang paraan para ‘di tapunan ng basura,” pagbabahagi niya patungkol sa bago niyang proyekto na para sa kaniya ay isang “charity work” gayong hindi rin naman kalakihan ang kikitain niya rito.

“’Pag gumagawa ‘ko ng mura nla pagkalaki-laki sa pader, nakikita nila, naa-appreciate nila na, ‘wow, ang ganda,’ parang nafi-feel nila,” dagdag pa niya.

Maliban sa pagtuturo, paggawa ng mga obra, kuwadro, at mga murals, kapag inalok ng tadhana ay tumutulong din siya sa paggawa ng mga props. Paminsan-minsan din ay naiisipan niyang sumali sa mga art exhibit, maging sa mga kompetisyon bilang kalahok o hindi kaya ay bilang hurado.

Hindi man sigurado kung hanggang kailan pa niya kakayaning hatiin ang sarili sa iba’t ibang trabaho, napapatotohanan naman ng mga ito na siya ay lagi’t lagi nang alagad ng sining.

Ayon pa kay Ka Ronald, hindi rin naman niya maiwasang maubusan ng lakas sa rami ng mga hanapbuhay na pinagsasabay-sabay niya. Sa kabila nito, hindi siya maaaring tumigil sa pagkayod dahil marami ang sa kaniya ay umaasa pa rin, lalo na at sila ay iniwang bakas ng kaniyang mga magulang.

Kuhang larawan ni Arvinelle Ramirez

Ang lilim sa sigla ng obra

Sa mga bilang na dalawa, tatlo, o apat, hindi na matandaan ni Ka Ronald kung ilang taon na ang lumipas nang iwanan siya ng kaniyang ina matapos itong kuhanin ng stroke sa loob ng walong taon kagaya ng kaniyang ama na matagal din niyang inalagaan.

Maging ang anibersaryo ng kamatayan nito ay hindi niya na rin maalala. “Death anniversary niya? Anong taon? Nakalimutan ko na rin. Kasi, parang… parang pinabura na nga niya sa akin. Ayoko na rin kasing naaalala,” sabi pa niya.

Kwento niya, ito marahil ang pinakamasakit na parte ng buhay niya. Hindi niya na rin magawang dalawin ang mga ito sa puntod. Ayon pa kay Ka Ronald, ito rin ang pinakamadilim na bahagi ng kaniyang istorya.

“Almost two years ako na parang ‘ayoko niyan.’ Gala rito, punta roon. Parang gusto ko na mag-isa lang ako muna, sa loob ng dalawang taon na ‘yon. Do’n ako nasaktan. ‘Yun ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko,” salaysay niya.

Muntikan na rin daw siyang bumitaw noon ngunit pinili niyang labanan at lakasan ang loob, kaya’t ngayon ay unti-unti na rin siyang nakakabawi at naibabalik ang diwa ng sining sa kaniyang buhay.

“Nababawi ko na siya. Paunti-unti lang. Kasi, parang sinabi na rin sa’kin ng mother ko, ‘nak, move on ka na. Balik mo ‘yung dati mo,’” pagbabahagi ni Ka Ronald. Dagdag pa niya, ang ina ang dahilan kung bakit paboritong uri niya ng obra ang mother and child.

“Isa lang [ang] ibig sabihin ng mother and child e, ‘yung mahalin mo ang nanay mo at minamahal ka ng ina mo,” paliwanag niya. Ito marahil ang iniwang sugat at kagalingan sa kaniya ng pagkawala ng kaniyang ina.

Ngunit bukod dito, may isa pang naiwan ang kaniyang mga magulang — ang responsibilidad.

Sa apat na mga kapatid ni Ka Ronald, tatlo sa kanila ang may asawa na at bumukod na rin, habang ang bunso na lamang ang nananatiling nasa pangangalaga pa niya, bagama’t nakatapos na rin ng pag-aaral at nagtatrabaho na.

Mula pa man noon ay tumutulong na rin siya sa gastusin, maging sa pagpapagamot sa kaniyang ina. Ngunit sa pagkawala ng parehong magulang, walang ibang kulay ang mapipili kung hindi ang tumayong haligi at ilaw ng tahanan.

“Medyo tulungan pa kami ni mother no’n, nung malakas pa si mother. Pero nu’ng na-stroke na siya, halos sa’kin na lahat [ng responsibilidad],” saad niya. Ikinuwento niya rin kung paanong siya ang gumastos sa pagpapaanak sa isa sa asawa ng isa sa kaniyang mga kapatid.

Gayunpaman, labis pa rin ang pasasalamat ni Ka Ronald sa kanyang mga pamangkin — mga biyayang handog ng kanyang mga kapatid — na siyang magiging katuwang niya sa paglipas ng panahon, lalo na sa unti-unting paglabo ng kanyang paningin.

Kuhang larawan ni Arvinelle Ramirez

Sa pagkupas ng larawan

“Hangga’t kaya pa ng aking mga mata at aking mga kamay. Kasi ito lang puhunan namin e, mata saka kamay,” pag-asa ni Ka Ronald.

Bata pa ang edad na 38 anyos, subalit kung susumahin ang mga taong pinagsisilbihan niya ang sining ay malayo na ang narating ni Ka Ronald, at malayo na rin ang tingin ng kaniyang dalawang mata.

“Nasira’y salamin ko nga e kaya kailangan magpagawa — ang grado ng mata ko, 250,” saad niya. Gayunpaman, ipinagpapasalamat niya naman na malinaw pa ang mata niya tuwing gumagawa siya ng mga obra sa gabi.

“‘Pag ‘yung halimbawa, mag-detalye, o sketching. ‘Yun. Kasi ‘di ko — lalo ‘yung mga black and white, hindi ko masyadong maaninag,” dagdag niya.

Ngunit hindi rin naman ang pagkalabo ng mga mata ang tunay na suliranin ng puso ni Ka Ronald sa kaniyang pagtanda — ito ay kung sino na lamang ang mag-aalaga sa kaniya katulad ng naging pagkalinga niya sa ama at ina.

“O, saya ‘ko, dahil ‘yung mga — kunwari, pagdating, mga pamangkin ko, ‘Tito Ronald!’ Gano’n. Kasi tatanungin ko, siguro gano’n, masaya ako e. Do’n ko na nilabas ‘yung saya, sa tao. ‘Yung magbigay ako ng magandang saya sa kanila,” paglalarawan ni Ka Ronald sa pag-amin niyang baka ang mga pamangkin niya na lamang ang magiging katuwang niya.

At kung sa araw na siya naman ang lilipas, nais niyang maging tulong pa rin sa kaniyang pamilya.

“Istambay ko siya [mga obra] ‘pag kailangan ng mga kapatid [at] pamangkin ko na ibenta, ibenta niyo,” saad pa niya. Hanggang sa huling hininga aniya, iaalay niya ito sa pagsisilbi sa pamilya at sa industriya ng sining.

Kung wala mang makaalala sa pangalan at edad niya, hiling na lamang ni Ka Ronald na matupad ang misyon niya rito sa lupa.

“Hindi naman ako pinabayaan ni Lord sa lahat ng pagsubok sa buhay ko. Kasi, sabi ko, talagang [may] very big mission ako dito sa lupa,” ani Ka Ronald.

Kung tatanungin naman siya sa kaniyang inspirasyon sa bawat guhit: “Isa lang naman ang sagot ko, e, ‘yung pinaghuhugutan ko niyan, ‘yung makapagbigay ako ng saya at ligaya sa tao.”

Para kay Ka Ronald, maraming uri ng dibuhista. Mayroong visual artist, mayroong ang tatak ay pointillism kung tawagin, maging impressionism, surrealistic, o maaaring ang simpleng pag-sketch lamang. Ngunit higit pa rito ang pagbibigay niya ng kahulugan sa sining.

“[Ang] meaning sa akin [ng] art, pagmamahal. Sa lahat-lahat ng bagay. Mula sa tao, kalikasan, lahat ng ’yun ay art,” saad niya.

Marami na ang uri ng sining na nasabukan ni Ka Ronald, maging ang paglililok sa mga bagay na solido ang pundasyon. Ngunit kaakibat ng pagtanda niya sa sining, isa na lamang ang kaniyang pinapangarap.

Kuhang larawan ni Arvinelle Ramirez

Puwang sa buhay na piyesa

Katulad ng kaniyang mga mata, malabo pa kay Ka Ronald ang maabot ang pangarap niya na mag-one-man show sa ngayon. Bukod sa kulang pa ang kaniyang mga piyesa, kulang pa rin ang kaniyang pera para pondohan ang magiging gastusin dito.

Inilarawan niya kung paano ang magiging gastusin nito habang ang mga mata ay naglalaro sa pangangarap at pilit iniisip kung kailan niya ito matutupad.

“‘Di lang natin alam kung kailan. Siguro medyo matanda na ako no’n. Kasi kadalasan ‘pag nagkakaedad na talaga, [doon] nagwa-one-man show na,” dagdag pa niya.

“Kailangan may budget ka rin no’n sa pang-one-man show mo. Gagawa ka ng painting, kailangan matapos ang painting — almost two years — hindi magtatrabaho, kailangan may budget ka panggastos mo sa araw-araw mo sa two years na ‘yan. Kung talagang tututukan mo lang ‘yung 50-piece na painting, gano’n ‘yan,” salaysay niya.

Sa ngayon, patuloy lamang si Ka Ronald sa paggawa ng mga obra sa kahilingang magbigay ng ligaya sa iba, at ipakita maging ang kinabukasang sa kaniya raw ay maaaring mailap pa sa ngayon.

“It’s my passion in my life talaga. Kumbaga, ang art kasi, pinapaliwanag ko sa tao ‘yung p’wedeng mangyayari bukas, ngayon, at kailanman, ‘di ba? ‘Yung anong p’wede nating magawa, makatulong, makapagpasaya, gano’n ang art e,” pahayag niya.

“Sa una, ‘pag mag-i-start ka, medyo mahirap. ‘Pag nakikita mong unti-unti nang nabubuo, lumalabas ang ‘yung saya mo. Gano’n ang style ng art e,” kwento ni Ka Ronald. Kung paano siya sa bawat obra, ganoon din ang kwento ng kaniyang buhay.

Ayon din sa kaniya, marahil ay ibinaba siya rito ng Panginoon upang maging anghel ng sining at ipamahagi ang pagmamahal niya sa lahat higit sa simpleng kaalaman niya rito.

Dahil kung paano siya nagsimula — “Mahilig kasi ako sa mga kalikasan, gano’n, hanggang sa ginawa ko siya, isinabuhay ko siya — ah, kailangan, iguhit ko ‘to. Para mas madama ng hindi lang ikaw makadama, pati iba’t tao,” — ay doon din siya magtatapos.

Matingkad man ang pag-iisa

“One time, nagkamali pa ako, nagtitimpla ‘ko ng kape, sawsawan natungga ko — kulay kape kasi e,” kwento ni Ka Ronald.

“Nu’ng nakabuga ako, naging abstract din ‘yung artwork. Ang sabi ko, sige. E teknik ‘yun e, abstract e. Hindi, abstract, nangyayari ‘yun,” pagpapatuloy niya.

Ito marahil ang kuwento ng buhay ni Ka Ronald — pintado ng iba’t ibang kulay, pag-aatubili, kawalang kasiguraduhan, at kung minsan ay nabubugahan ng mainit na kape na pumapaso sa dila ngunit hindi pumaparam ng mga mumunting pangarap.

Sa bawat obra na likha ng isang alagad ng sining, kalakip nito ang pagiging alagad ng buhay — kung paanong ang dilaw ay simbolismo ng tuwa, habang pula naman sa pagmamahal o kung minsan ay digma, at asul para sa pagluluksa, ngunit pwede ring kapayapaan. Katulad ng mga kulay na ito na nagsisimula sa pagiging matingkad at maaaring pakupasin din ng panahon, ang mga obra ni Ka Ronald na inukit gamit ang makukulay na imahinasyon ay hinding-hindi mabubura ng kagustuhang itaguyod ang pangarap sa sining.

Maaaring darating din ang bukas na ang mga piyesa ni Ka Ronald ay hindi na makikilala at wala nang makatatanda ng taon, ngunit habambuhay na mananatili sa kasaysayan ang puso niyang hindi nagdamot ng tibok para sa ibang gustong makaalala.

Airi Martin is a freshman staffer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a first-year psychology student from the College of Social Sciences and Philosophy (CSSP).

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

No responses yet

Write a response