Pagtatagpo ng Alon at Ambisyon sa Lupain ng Pugad
ni Mark David Silencio

Bahagi ng pag-usad ang paglisan.
Sa paghahangad ng kaalaman, ang bawat pag-usad ay nangangahulugan ng pag-iwan — sa nakasanayan, sa kinalakihan, o sa mga bagay na pansamantalang kailangang talikuran upang maabot ang pangarap na pagkatuto.
Para sa mga tao ng Isla Pugad sa Hagonoy, Bulacan, kung saan ang tubig ang daan at ang alon ang hamon, ang paglisan ay hindi lamang simpleng desisyon, kundi isang pang-araw-araw na hamon na kailangang harapin.
Kasabay ng lahat ng ito, lulutang ang isang katanungan — paano nga ba nakakamtan ng mga anak ng Pugad ang kanilang edukasyon, habang mistulan silang nakapiit sa yakap ng mga alon?
Sa kanlungan ng Pugad
Para sa sukat ng isla — isang kapirasong lupain na kasyang-kasya lang ang isang komunidad — punong-puno ng buhay ang populasyon ng Pugad.
Binubuo ang kalakhan ng lugar ng mga barong-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero na tinutuluyan ng halos 2,200 tao at 726 pamilya, ayon sa Hagonoy Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO).
Ayon kay Ondoy*, isang labing-apat na taong gulang na mag-aaral sa ikasampung baitang mula sa Pugad, may mga pagkakataong umaabot sa taas ng mga bahay ang along humahampas sa kanilang isla.
“‘Yung alon po e, umaabot po sa bubong d’yan. ‘Yung alon po pumapasok dito sa bahay, dito pa-ganon po. Malalaki po ‘yung alon, ‘yung tubig po, malalalim,” pagsasalaysay niya.
Ikinuwento rin niya na bahagi na ito ng kanilang araw-araw na pakikipamuhay sa isla.
“Sanay na po [kami], e. Araw-araw na po minsan naaano [ang] high tide, saka minsan po alon, madalas na po ‘yun, sanay na po kami,” ani Ondoy.
Sa dulong ibayo ng isla ay nakatayo ang paaralang elementarya ng Pugad na nagtuturo mula una hanggang ika-anim na baitang; subalit imbis na sa loob ng silid-aralan, madalas ay nasa daungan ang mga kabataan — isang palaruan, sa pagitan ng alon at alingawngaw ng bangka, kung saan tila mas nalalapit ang kanilang kamusmusan.
“Dito po sa Pugad puro po makikita [ay] mga bata, mga gusto na po magtrabaho. Na-e-engganyo po kasi pagka nagta-trabaho, [tapos] sila hindi pa. Ayaw po nila [ng] ganiyan,” paglalahad ni Ondoy, na isa rin sa mga batang namamalakaya sa kanilang isla.
Kapag wala namang pasok ay gumigising si Ondoy ng alas-tres ng madaling araw upang pumalaot kasama ang kanyang mga kaibigan.
“‘Yung mga ano ko po, mga kasamahan, nayaya po ako. Sumasama na po ako ‘pag po walang pasok. ‘Pag po may pasok, ‘di ako sumasama, e maaano po ‘yung pag-aaral ko, mahuhuli po ako,” aniya.
Pagkatapos ng araw ay mag-uuwi siya ng kitaing mula 250 hanggang 400 piso — sapat para mapunan ang kanyang baon sa paaralan ng dalawang araw.
“Kaya po ako sumama para po magkapera. ‘Yung hirap po, titiisin na lang,” pagpapaliwanag nito.
Estado ng edukasyon
Oras na matapos ng isang mag-aaral ang elementarya sa Pugad, kailangan niyang harapin ang alon para makarating sa San Pedro National High School — ang pinakamalapit na institusyong pang-sekondarya na matatagpuan malapit sa daungan ng kalapit-bayan na Hangga, sampung kilometro mula sa isla.
Ang pamasahe sa bangkang papunta sa paaralan at pauwi sa isla ay umaabot ng 70 hanggang 100 piso, malaking bahagi mula sa kakarampot ng baon ng karamihan sa mga mag-aaral.
“Minsan po magbabaon ako ng P120, pagka po P120 e may P50 ka na [na natira], panggastos na po ‘yun pangkanin,” pagbabahagi ni Ondoy.
May mga pagkakataon ding sinususpinde ang klase habang sila’y nasa gitna na ng biyahe. Sa halip na makarating sa paaralan ay napipilitan silang bumalik, tangan ang pagod mula sa paglalakbay at ang panghihinayang sa isang araw na naudlot ang kanilang pag-aaral.
“‘Yung nasa school na po kami, sabi daw po palabasin na ‘yung bata. Ala na po palang pasok n’on. ‘Yun po e, bumalik nalang po kami. Sayang po [ang] pamasahe,” ani Ondoy, habang inaalala ang pagkakataong huli nang inanunsyo ang suspensyon ng klase.
Naniniwala si Ariel dela Cruz, isang bangkero ng mga estudyante sa Pugad, na mas makabubuti kung magkakaroon ng sariling pasilidad ang isla para sa sekondaryang edukasyon — kahit pa maging katumbas nito ang pagkawala ng kanyang hanapbuhay.
“Pabor ako d’on, kahit na ang trabaho ko bilang isang bangkero, pabor ako d’on, na hindi na makaalis pa ‘yung mga bata, nandito lang. Siguro kahit mawalan pa ako ng trabaho, kasi andyan na lang sila. Makakapag-aral sila nang ayos dito. Dito na lang sila, kasi mahirap ang pinagdadaanan namin,” sabi nito.
Gayunpaman, aminado si Ariel na kahit magkaroon ng sekondaryang paaralan sa isla, mananatili pa rin ang hamon ng pag-abot sa kolehiyo dahil sa tila pagkakait ng pagkakataon para sa kanila.
“Kahit bigyan ng high school ‘yan, hindi rin makakapag-college, kailangan ng [entrance] test d’on, ‘di ba? Kaya mas… karamihan sa’min talaga, nakakapasok lang kami, hanggang high school lang. Nahihirapan nang mag-college ‘yung isla,” malungkot niyang ibinahagi.
Ayon pa sa kaniya, mailap ang pagkakataong makapasok ang mga taga-Pugad sa mga state university, at sa kawalan ng kakayahang mag-aral sa pribadong paaralan, maraming kabataan sa kanilang lugar ang napipilitang bitawan ang pangarap ng mas mataas na edukasyon.
“Wala, wala kaming pag-asa. Iilan lang ‘yung may kaya sa buhay, iilan lang ‘yung pwede makapag-aral sa pribado. Pero paano makakahango ‘yung mga kagaya namin kung hindi makakapag-aral ng kolehiyo?” saad ni dela Cruz.
Pangarap mula sa malayo
Ayon kay Ariel, ang distansya nila mula sa kabayanan — kung saan nakasalalay ang karamihan ng oportunidad — ang kanilang pangunahing balakid sa pangangarap.
“Mahirap talaga, maraming pangarap ang mga bata, [pero] malayo kami d’on sa kabayanan. Ang kinailagan lang talaga namin, lagi kaming sinasapo, dahil isla kami, coastal area. Lagi kaming laglag sa alon,” paliwanag nito.
“Pangarap ko po [na] ‘di po mawala ‘yung dagat — ’di po mawala ‘yung isda. Iyun lang po ‘yung hanapbuhay dito, e.”
Ganito ang naging tugon ni Ondoy nang usisain siya tungkol sa kanyang pangarap para sa hinaharap.
“‘Pag po ano e, dagat din po ‘yung bagsak. Hindi ko nga po alam kung dagat din bagsak ko o sa ibang lugar sa mga pangarap ko,” pagpapatuloy niya.
Kung papalarin siya na makapagkolehiyo, pangarap niya na kumuha ng kursong may kinalaman sa welding at pagkukumpuni ng mga bangka — isang bahagi ng Pugad na kinalakihan niya.
“‘Pag po kaya, mag-ka-college po ako. (…) Tutuloy ko po pagka kung may [pagkakataon] po, saka kung kaya namin, para po may alam po ako. Saka po kung san man po ako mapunta, may alam po akong sasabihin,” aniya.
Sa kabila ng pangarap na maghanap ng mas maraming oportunidad, bilang anak ng Pugad, mahirap rin para kay Ondoy na iwanan ang pook na tumangan sa kanya at magsimula ng panibagong buhay sa kabayanan.
“Dito na lang po, dito po ako nasanay, e. Dahil dito po lahat ng mga kalaro ko. Eto na po ‘yung aming tirahan kaya po di na po kami pwedeng umalis. Iyun lang po,” sabi nito.
Bukod dito, nasa isla rin ang kabuhayang kanyang nakagisnan, na siyang mismong nagbigay daan sa kanya upang mangarap at magsumikap.
“‘Di ko po pagpapalit [ang Pugad]. E dyan po, andyan lang po ‘yung kabuhayan, sa iba po pupunta pa po sa malayo. E dyan po lalakad ka lang, andyan na po ‘yung dagat — magbabangka ka lang,” pagpapaliwanag ni Ondoy.
Nananalangin din si Ondoy na sana ay hindi na muling hagupitin ng malalakas na bagyo ang isla, upang hindi na muling malagay sa panganib ang natatanging tahanan nila.
“Dahil po pag po iya’y nawala, ala na po kaming titirahan, ala naman po kaming bahay sa bandang itaas. ‘Yun po. Ala naman po kaming titirahan sa ibang lugar (…) Sana po pagdasal nila na di na po kami anuhan ng malalakas na alon at bagyo para po di maano ‘yung Pugad. ‘Yun lang po,” hiling ng bata.
Traydor ang panahon
Palaging may panganib sa bawat dagok ng kalikasan, at para kay Ondoy at sa mga katulad niyang nakaangkla na sa isla, ang mga malalakas na bagyo ay isang walang katapusang banta.
“Hindi naman kami eksperto kung kailan talaga dadating ang bagyo, bumabase lang kami sa karanasan namin. Siyempre, ‘pag hindi naman namin talaga kaya, e hindi kami tutuloy [pumalaot],” saad ni Ariel.
Naniniwala siya na sa tamang kahandaan at kamalayan, hindi na nila kailangang ilagay ang kanilang buhay sa kamay ng panibagong unos.
Ngunit hindi lang kalikasan ang kalaban ng komunidad sa isla.
Kabilang ang isla sa tatamaan ng proyekto ng dambuhalang korporasiyon ng San Miguel Corporation (SMC) kung saan inilalatag ang planong eco park ayon sa mga residente.
“‘Yung lupa nila, parang binebenta nila doon, kaso pinayagan naman ng malalaking tao. [Hinukay nila] tapos dadalhin nila do’n. Siyempre, lalaki alon niyan, lalalim ‘yung wawa dahil doon kasi gumagawa ng alon,” pagkukuwento niya.
“Dati, okay lang sana sa’kin na nawala na ‘yung mga puno, pero… may mga puno diyan, at siyempre, dahil sa [lakas ng] alon, nasisira na siya. Sira na, patay na lahat ng puno,” dismayadong pagsasalaysay ni Ariel.
Bunsod ng mga dredging project na inilunsad para umano sa pagkontrol ng baha sa mga kalapit-bayan ay nagpapatuloy ang paghukay ng lupa at buhangin mula sa ilalim ng dagat na ang kapalit ay matinding alon sa palibot ng isla.
Ipinapanawagan din ni Ariel na nawa ay mabigyang pansin ang mga kagaya nilang nananahan sa mga baybayin, dahil kahit sila ay nasa malayo, bahagi rin sila ng mas malawak na kabuuan.
“Para sa mga kinauukulan, sa kagaya namin na [para lang] makapag-aral ang mga bata, tumatawid pa kami ng dagat… sana kaming mga nasa dulo, bigyan din nila ng pansin na Pilipino kami, mayroon kaming karapatan,” pakiusap nito.
Bahagi ng pag-usad ang paglisan. Para sa mga mamamayan ng Isla Pugad, ang paglisan ay hindi lamang isang pagpili — ito ay isang pangangailangan.
Sa bawat pagparoo’t parito lulan ng kanilang bangka, dala nila ang pag-asang mahigitan ang mga hamon ng kasalukuyan at makamit ang pangako ng mas maayos na buhay sa hinaharap — higit pa sa daluyong ng mga alon sa panahon ng unos.
Ngunit sa bawat pagbabalik, dala nila ang bigat ng reyalidad — na ang pag-abot sa bagong yugto ay kadalasang nangangahulugang pagsugal laban sa agos ng kawalang katiyakan.
Nananatili ang pananampalataya na hindi nila kailangang iwanan nang tuluyan ang Pugad upang makamtan hindi lamang ang kanilang edukasIyon, kung hindi maging ang marami pa nilang pangarap.
Dahil habang patuloy ang pagkasangkalan ng isla sa pagitan ng walang humpay na hampas ng mga alon ng dagat at ng inilalakong pagbabago, tuluyan ding iilap ang pagkakataong lumipad ng mga anak ng Pugad.
*Hindi niya tunay na pangalan.
Mark David Silencio is the Features Editor of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a second-year information technology student from the College of Information and Communications Technology.