Pilipinas nanatiling isa sa ‘most dangerous places’ sa buong mundo para sa manggagawa, lider ng unyon — ITUC
ni Nazylen Joy Mabanglo

Wala pa ring garantisadong kaligtasan para sa mga Pilipinong manggagawa sa bansa ngayong taon dahil sa kabi-kabilang kaso ng panunupil, banta ng red-tagging, at pagdukot sa mga itinuturing na komunista ng gobyerno ayon sa ulat ng International Trade Union Confederation (ITUC).
Sa inilabas na Global Rights Index 2024 ng ITUC, pangwalo ang Pilipinas sa 10 worst countries para sa mga uring manggagawa at kabilang sa mga pinakamapanganib na lugar para sa sektor sa loob ng walong magkakasunod na taon mula 2016.
Matatandaang taong 2023 nang maiulat ang pagpatay sa dalawang kasapi ng unyon ng mga mangagawa na sina Alex Dolorosa at Jude Thaddeus Fernandez, kung saan kilala si Dolorosa bilang kaisa sa panawagan kontra sa hindi makataong overtime sa trabaho na hinihinalang naging dahilan ng pagkamatay matapos magtamo ng maraming saksak sa katawan.
Sa kaparehong sinapit, ‘nanlaban’ naman umano ang naging dahilan ng awtoridad sa pagpaslang kay Fernandez na miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at itinuturing na ika-72 biktima ng pagpaslang sa mga manggagawa simula Hunyo 2016.
Nagtamo ang Pilipinas ng rating 5 mula sa ITUC na nangangahulugang “No Guarantee of Rights” para sa mga manggagawang nais magpaabot ng hinaing sa pamahalaan.
Ang nasabing organisasyon ay nagbibigay sa bawat bansa sa buong mundo ng rating 1 hanggang 5, kung saan ang rating na 1 ay sumasalamin sa pinakamagandang pagtrato ng isang bansa sa mga unyon at uring manggagawa.
Tinatapakang karapatan
Taong 2017 nang sinimulang okupahin ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mahigit 6,000 social housing units na itinayo ng National Housing Authority (NHA) sa Pandi, Bulacan para tirhan ng komunidad at mga retiradong tauhan ng gobyerno.
Sa tatlong taon na pakikipaglaban ng Kadamay para sa kanilang tinutuluyan, lingid sa kanilang kaalaman ang ilan pang pagsubok sa kanilang paglipat katulad na lamang ng limitadong akses sa kabuhayan.
Ayon kay Ka Malou*, nabago aniya ng Kadamay ang kanyang buhay matapos mag-resign sa pinapasukang trabaho dahil sa kakarampot na kita sa kabila ng sunod-sunod niyang pag-o-overtime sa trabaho.
“Sa siyam na taon kong pagtatrabaho, kahit halos ibigay mo na ‘yung oras mo [at] mag-overtime ka man, napupunta lang ‘yung sahod mo sa pang-upa ng bahay, pambayad ng kuryente, tubig, pagkain. Halos doon lang [napupunta] kasi hindi sapat talaga ‘yung sinasahod [ko],” pagkukuwento niya.
Bagama’t may lupa at bahay nang pagmamay-ari ngayon, hindi aniya roon natapos ang banta ng red-tagging kay Ka Malou* at kanyang mga kasamahan.
Isa rin si Leah Marale sa nakaranas ng pagbabanta mula sa militar at awtoridad matapos umano niyang ilabas ang saloobin tungkol sa relokasyon.
“Ni-redtag ako, ano bang ginawa kong laban sa ating gobyerno? Masama ba ‘yung sinasabi ko, [na sinabi ko] ‘yung naranasan namin na hirap mula sa relokasyon? Pero inintindi ba nila [gobyerno] ‘yung nasa relokasyon, kung papaano naging maayos ‘yung nirelocate nila?” ani Marale.
Naging talamak ang kaso ng red-tagging laban sa mga grupo at unyon sa panahon ng dating pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng giyera kontra droga, hanggang sa kasalukuyang administrasyong Ferdinand Marcos Jr., na anila ay itinuturing na sumasalungat sa kagustuhan ng gobyerno.
Hindi rin nalalayo ang danas sa panggigipit ni Nanay Rose* na nagbahagi lang aniya ng kaalaman at ideya para kumita sa mga kabataan ngunit naakusahang nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa pamahalaan.
“Nagkaroon ako ng project para sa mga kabataan, ‘yung gumagawa ng basket o banig. Ngayon, may sulong-sulong ako na, siguro isang dangkal [na polyeto], tapos may nag-picture pala at pinasa sa munisipyo. Labag daw sa batas yung gano’n,” salaysay niya.
Laban sa lupang sinasakahan
Sa isang pahayag, inamin ni Narsing Manalo, miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) na patuloy ang pang-aagaw ng mga panginoong may lupa sa kanilang sakahan.
“[Grabe] ang naranasan namin na paglaban sa mga developer na panginoong may lupa, ipinaglaban namin ang lupa hanggang sa makamtan namin at mapasaamin ang mga lupa. Nakakuha tayo ng mga lupa na ipinamahagi rin natin sa kapwa magsasaka sa ngalan ng AMB Bulacan,” aniya.
“Kaya ang panawagan natin sa mga nanunungkulan, alam naman natin na iyan ay mga bingi, bulag, [at] ang inaano natin [ginigiit], kung hindi nila kaya, palitan natin ang sistema,” dagdag pa niya.
Idinikta rin niya ang dahilan umano kung bakit kahit na agrikultural na bansa ang Pilipinas ay isa ito sa top rice importer sa bansa.
“Bakit ngayon tayo ang unang importer ng bigas? Dahil ang mga namumuno sa atin ay puno ng korapsiyon, wala silang hangad kung hindi magpalaki ng tiyan, magparami ng pera sa bulsa,” giit pa niya.
Nito lamang buwan ng Oktubre nang inanunsiyo ang balitang nananatiling una ang Pilipinas sa mga bansang umaangkat ng bigas at mananatili pa umano hanggang sa susunod na taon ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).
Kaugnay nito, ang lider-magsasaka naman mula sa Malolos, Bulacan na si Danilo “Ka Daning” Ramos na kasalukuyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ay nagbahagi rin ng kanyang mga karanasan ng pananakot dahil sa patuloy niyang pagtindig para sa mga kapwa magsasaka.
“Alam niyo po, panahon ni Gen. Jovito Palparan Jr. noong 2006–2007, sa panahon po iyan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, matagal po akong hindi nakauwi dito sa aming lupang sakahan [sa Bulacan] dahil sa paghahanap at matinding counter-insurgency operation noong panahon na yon,” paglalahad ni Ramos.
“Ang pinakagrabe po ay noong January 3, 2024, between 7:00 to 8:00 p.m. May dalawang lalaking naka-bonnet [at] naka-helmet [na] nagpunta sa barrio, hinahanap ako dahil ako raw ay terorista. Almost 40 years na po akong kumikilos, first time na inakusahan ako na terorista, magsasaka kami, [hindi] terorista,” dagdag pa niya.
Giit ni Ka Daning, isa ang Pilipinas sa buong mundo sa mga may pinakamalalang kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, katulad na lamang sa hindi pagbibigay ng sapat na sahod, pagbabawal sa mga unyon na kumilos, at pagkitil sa buhay o pagpapakulong.
“Uulitin ko, ang tunay na pinaglalaban naming isyu din ng mga kabataan [ay] tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, palakasin ang lokal na produksiyon ng pagkain [at] hindi importasyon na nangyayari po sa ngayon sa ilalim ni Marcos Jr., [na] mas gusto pa ang importasyon kaysa [ang] production subsidy,” paglalahad pa ng magsasaka.
Nitong Hunyo 18 nang ilegal na pasukin ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Army ang bahay ng secretary-general ng KMP na si Ronnie Manalo sa San Jose del Monte at tinamnan hindi umano ng mga militar ng explosive devices.
Pagkilala sa lakas-paggawa
Sa inilathalang sulatin ng Amnesty International na “I Turned My Fear Into Courage” ay tinalakay ang karahasan at red-tagging na nararanasan ng mga taong lumalaban para sa karapatang pantao mula sa estado at nagbigay ng ilang rekomendasyon sa mga lokal na pamahalaan tulad ng Commission on Human Rights (CHR).
Binigyang-diin dito ang nararapat na anilang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), maging ang Anti-Terrorism Act na sumusupil sa karapatan sa malayang pagpapahayag ng saloobin ng mga manggagawa.
Samantala, bagama’t may batas na binubusa ngayon sa kongreso na Senate Bill (SB) №2735 patungkol sa pagprotekta sa mga manggagawa sa Pilipinas na siyang suportado ng CHR, inaasahan na aniya ng mga unyon ng manggagawa ng bansa na mahabang proseso at matagal na taon pa bago ito maisakatuparan.
*Hindi nila tunay na pangalan
Nazylen Joy Mabanglo is the News Editor of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.