Sa Pusod ng Digma: Pakikipagbuno ng mga Magsasakang Bagsakan sa Ngalan ng Lupa

Pacesetter Newsroom
10 min readJan 4, 2025

--

nina Harvey Sabado at Audrey Lex Bago

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Matagal nang kinikilala ang mga magsasaka bilang pangunahing puwersa sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon sa Pilipinas, paglikha ng pagkain para sa lahat, at pagtustos sa mga hilaw na materyales na kinakailangan saan mang sulok ng industriya.

Ngunit sa loob ng mahabang panahon na sila ay nagsasaka, nagbubungkal at nagtatanim ng mga punla, wala pa rin silang nakakamit na tunay na reporma sa lupa.

Hanggang ngayon, ang buhay ng mga magbubukid ay hindi pa rin tahimik. Ito ay dahil patuloy silang pinahihirapan ng malapyudal at malakolonyal na sistema, at dahil rin sa labis-labis na pang-aagaw ng mga dambuhalang korporasyon sa daang-ektaryang lupain ng magsasaka.

Kung kaya naman kalakhan sa mga obrero ng sakahan sa ating bansa ay sagad-sagaran ang tinatanganang militansiya upang igiit ang mga karapatan sa lupa at ilayo ang mga ito sa interes o proyektong kumbersiyon ng mga burgesya komprador.

Ganito pa rin ang danas ng mga magsasaka ng San Jose del Monte (SJDM) sa probinsiya ng Bulacan. Mula pa kasi noong dekada nobenta, hanggang sa kasalukuyang panahon, ay paunti-unting inookupa ng Araneta Properties Incorporated (API) ang daang-ektaryang lupain na kanilang sinasaka.

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Isyu sa lupa

“Limang parsela ito [ang lupa]: 8, 9, 10, 11, saka 13. 13a, 13b, at tsaka 13b po ‘yung nakikita niyo na na-develop na.”

Ito ang mariing paglalahad ni Roland Batonghinog, 50, at magsasaka sa SJDM tungkol sa kanilang kinahaharap na problema sa lupa sa Barrio Bisaya, Barangay Tungkong Mangga.

Ani Mang Roland, matagal na nilang ipinaglalaban ang tinatayang nasa 311 ektaryang lupain na kanilang sinasaka laban sa pagkamkam at kumbersiyon na ginagawa ng API — ang real estate development company na pagmamay-ari ni Gregorio Araneta III, bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa kabuuan po, ang 311 hectares, wala pa tayong malinaw na ano [sukat] kung ilan na ‘yung [na-develop] parang ano na lang, mahigit na lang sa dalawang daang ektarya ang natitira para sa mga magsasaka dahil inuunti-unti na pong i-okupa ng kalaban [korporasyon],” saad niya sa isang panayam ng Pacesetter.

Dagdag pa niya, noong una ay wala silang kaalam-alam ng kanyang mga kababayan sa Tungkong Mangga tungkol sa kung ano nga ba ang pakay sa kanilang lupa. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti silang namulat sa isyu ng kaliwa’t kanang mga land-use conversion project — isang proseso kung saan ang isang partikular na lupa gaya ng pang-agrikultural ay tatayuan ng gusali mula sa pagiging isang sakahang ginagapasan ng palay. Ibinibida ng mga gusaling ito ang malawakang sibilisasyon sa sakadang abenida ng hanapbuhay ng mga magsasaka.

Noong Hunyo 2016, naglabas ang lungsod ng SJDM ng isang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) — isang mahabang dokumento na nagsasaad ng mga planong may kinalaman sa inilalagak na ‘kaunlaran’ sa lungsod.

Katunayan, ang ilang bahagi 311 ektaryang lupa na sinasaka ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga ay paunti-unti nang pinapatag dahil sa Colinas Verdes Joint Venture Project (CVJVP) ng API, kasosyo ang Sta. Lucia Realty na pagmamay-ari ni Exequiel Robles.

Ang naturang proyekto ay isang 294 ektaryang eksklusibong subdibisyon na sinimulan noong 2015 at pinalawak pa sa taong 2019 upang magkaroon ng karagdagang sukat ng lupa na malapit sa itinatayong terminal ng Metro Rail Transit (MRT) 7.

“Nagkaroon po [ng dayalogo]. Idinaan naman sa proseso, ‘due process’ kumbaga. Ilang beses na ring napatunayan ng samahan na talagang nilaban po talaga [ang lupa], at ilang beses na po naming napatunayan na talagang ang lupa ay para sa amin na mga magsasaka,” ani Mang Roland nang tanungin kung nagkaroon ng pagkikipag-usap sa kanila hinggil sa planong proyekto ng API.

“Isa [kasi] ang Tungkong Mangga sa agricultural land. Marami, kumbaga, maraming saklaw sa pang-agrikultura,” saad pa ng magsasaka.

“Itong Tungkong Mangga ang ano [gusto] nila, kaya ito rin ang sentro [ng mga kumbersiyon] ang Tungkong Mangga dahil malapit lang ito sa mga boundaries ng Caloocan saka Quezon City, at saka ‘yung Rizal nandiyan lang. Kaya ito ‘yung target nila,” giit ni Mang Roland.

Ipamukha man daw sa kanilang ito ay bahagi ng kaunlaran ng munisipalidad, pilit pa rin anila itong hahadlangan dahil higit sa mga gusaling nakaambang itayo sa mga susunod pang taon ay mayroong masasagasaan at maaapektuhan na kabuhayan — ang sakada.

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Tumitinding pagkamkam

Batay sa ulat ng IBON Foundation, isang non-government organization, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng mabilis na reklasipikasyon ng mga lupa sa siyudad sa mga nakalipas na taon.

Katunayan, ayon sa City of SJDM Ecological Profile 2023, nasa 1,912.97 ektarya ang nakalaan para sa General Agricultural Zone (GAZ) noong taong 2015. Ngunit nito lamang 2022, bigla itong bumulusok sa 172.30 ektarya. Ibig sabihin, ang 1,740.67 ektarya na dating bahagi ng GAZ ay nakumbirte na para ilaan sa iba’t ibang paggagamitan.

Bunsod ng mga dahilang ito kung kaya ganoon na lamang din ang paninindigan ng mga magsasaka ng SJDM upang ipagtanggol ang lupaing tinataniman. Ngunit gaya ng reyalidad, ang kanilang pakikidigma para sa lupa ay sinalubong ng malupit na pananakot at intimidasyon mula sa mga militar.

Pangamba ni Mang Roland, bagaman alam niyang may malawak pa ring lupa sa kanilang lugar na maaari nilang sakahan, hindi pa rin maiwasan ang mga posibleng epekto ng kumbersiyon lalo na at ginagambala aniya sila ng estado.

Bukod sa kanya, malaki rin ang panghihinayang ni Thelma Villarin Cartoneros, 69, tuwing nakikita ang paunti-unting pagkamkam na nangyayari sa ilang bahagi ng lupa kung saan siya nagsasaka, katuwang ang iba pa niyang mga kasama.

Mula pa noong 1997 ay nagbubungkal at nagsasaka na siya sa lugar; sa malawak na sakahan ng Tungkong Mangga na siya namulat, nagkapamilya, at tumanda.

“Manghinayang man kami o ano man kami, e, wala kaming magagawa kasi mahirap din naman. Panawagan namin palagi sa ano [sa Diyos] na hindi sana maubos…paunti-unti nilang [ang Araneta] inano [inookupa ang lupa] kaya malungkot kami na ganyan ang sitwasyon, na nabawasan ‘yung pinaglaban namin na lupa,” pagbanggit ni Thelma.

Hindi nalalayo sa hinaing ni Conchita Batonghinog, 50, at tumatayong lider ng Sandigang Samahan ng mga Magsasaka (SASAMAG) sa naratibong pagtatanggol sa lupang damat ay pagmamay-ari nila.

“Siguro, nababahala at nakakalungkot [kami]. Tapos, hindi na namin ano [maisip] na parang nawala na ‘yung pag-asa. Parang nawawalan ng pag-asa pero pinipilit pa rin namin, na hindi kami susuko hangga’t nandiyan ang lupa,” ani Nanay Conchita.

Binabagabag na ng takot at pangamba, mas lalo pang nadagdagan ang pasan nilang problema dahil sa mga pagbabanta at pananakot ng militar, na ayon sa mga magsasaka ay kasangkot at ipinadala ng API.

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Kasaysayan ng lupa

Kalakhan sa mga residente ng mga barangay na Tungkong Mangga at San Isidro ay mga magsasaka at na-rellocate mula sa magkakaibang rehiyon sa bansa. Ang lupa na kanilang tinitirhan ay pagmamay-ari noon nina Fr. Francisco Araneta at Doña Theresa Araneta de Albert.

Dahil mataba at mayaman ang lupain, taong 1945 nang mag-umpisang bungkalin at taniman ito ng mga magsasaka ng iba’t ibang produkto tulad ng saging, palay, mais, kape, at iba pa.

Bandang 1980 nang maging pangunahing kabuhayan sa lugar ang pagsasaka. Ito ay dahil maraming residente sa lugar ang naging kabuhayan ang pagtatanim matapos silang mawalan ng trabaho dahil sa pagkabangkarote ng 2,571 ektaryang Manila Brickworks na negosyo ng noon ay senador na si Gil Puyat.

Nang bumagsak ang marahas na diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. taong 1986, sinamsam ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) ang lahat ng mga ari-arian ng mga kronies ng diktador, kabilang na ang mga lupain ng mga Puyat at Araneta, kung saan ipinasa ang pangangasiwa ng mga ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Assets Privatization Trust, at Department of Agrarian Reform (DAR).

Noong 1988 naman nang ipatupad ang Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na naglalayong magpamahagi ng lupaing pang-agrikultural para sa mga magsasaka na walang sariling lupa at protektahan ang kanilang karapatan sa pagkakaroon ng nakabubuhay na kita.

Sa panayam sa Anakpawis, sa kabila ng mahabang kasaysayan at kung anong nakalimbag sa batas ng republika ay walang lupa na nakarating sa mga magsasaka dahil matapos maglabas ng exemption order ang DAR, maraming sakahan sa SJDM ang hindi nasaklaw ng CARP.

“Karaniwang dahilan nito [ay] ang probisyon mismo sa CARP na nagsasaad na hindi saklaw ng repormang agraryo ang mga lupang may 18% o higit pang slope kahit aktuwal itong produktibong agrikultural,” anang grupo.

Bukod pa rito, hindi rin naging ligtas mula sa pang-aangkin ang lupaing kasama sa Notice of Coverage ng naturang batas.

Mahabang dekada na ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang mga magsasaka ng SJDM sa pakikipagsapalaran sa iba’t ibang mga hamong dulot ng estado at mga burgesya komprador, partikular sa kamay ng API.

“Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan, ang Araneta — sina Greggy Araneta po talaga ‘yung ano namin [kalaban]. Sila, siya po talaga ‘yung nangamkam [ng lupa],” paglalantad ni Mang Roland.

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Danas na militarisasyon

“Siyempre, natatakot kami, [pero] hindi namin ipapakita sa kanila na takot kami. Nibiro-biro na lang na lang namin sila [ang mga militar] para mawala ‘yung takot. Pero sa totoo lang talaga, naku, ‘di namin malaman kung ano gagawin namin eh.”

Ito ang paglalarawan ni Nanay Thelma sa isang panayam ng Pacesetter tungkol sa karanasan nila ng kanyang mga kabaranggay tuwing makikita ang batalyong puwersa ng mga sundalo na pumapasok sa kanilang komunidad sa Tungkong Mangga.

Kuwento niya, mayroong pagkakataon na minsang hinahanap sila ng mga militar at mayroon pa umanong dala-dala ang mga ito na mga listahan. Nang tingnan raw niya ang nasabing listahan, agad na kumunot ang kanyang noo nang makita ang kanyang pangalan.

“Sabi nila, nakita daw nila [ang pangalan ko] sa [mga] nag-surrender sa kanila na mga NPA [New People’s Army]. Tapos ang sabi naman doon sa Montalban, doon daw nila nakukuha ‘yung pangalan namin, doon sa na ano [napuntahan] nilang bahay ni Manalo,” paglalahad ng matanda.

“Tapos sabi nila, ‘yung pulang aklat, do’n daw nila nakuha [ang mga pangalan]. Kaya ang sabi ko, ngayon, ngayon ko lang nalaman kung mayroon pa lang pulang aklat. Saan ba galing iyon?” pagpapatuloy nito.

Dagdag pa ni Nanay Thelma, pinipilit rin daw sila ng mga militar na pumirma ng isang salaysay upang sapilitang paaminin na sila ay kasapi ng New People’s Army (NPA). Ngunit gaano man kalakas ang takot sa kanyang dibdib, hindi pumirma sa naturang salaysay si Nanay Thelma. Kabilang rin aniya siya sa mga isinalang ng militar sa isang panayam na panay ang pagkuha ng litrato sa kanila.

“Tinatanong ko sila kung ano ‘yung purpose nila [at bakit] nag-iinterview sila. Ang sabi ba naman nila, para daw malinis ‘yung mga pangalan daw namin. Sabi [namin], e, ‘bat malinis e marumi ba ang mga pangalan namin? Bakit lilinisin?’ Ang sabi, ‘nandoon kasi ang pangalan niyo sa surrender list,’” kwento pa niya.

“E, ‘di ang ibig sabihin pala, mga NPA kami kung gano’n. Sabi namin, bakit NPA? Nagtatrabaho lang naman kami, nagsasaka dito, at wala naman kaming mga armas dito kundi para magsaka lang,” dagdag pa Nanay Thelma.

Sa kaparehong danas, ibinahagi rin ni Conchita kung paanong pilit ring pinapaamin ng militar kung siya ay miyembro ng NPA.

“Kapag pinupwersa na nila [mga militar] kami na aminin na namin na kami ay NPA kasi umamin na raw ‘yung ibang leaders. Apat na lang daw na leaders ang ‘di umamin. Sabi ko, kung may inamin man sila, kung ano man ‘yung inamin nila, ‘di namin alam ‘yun,” paglalahad nito.

Gayunpaman, malakas man ang kalaban at labis-labis na mga pag-atake at paglabag sa kanilang mga karapatan, sinisikap pa rin nilang kumuha ng pag-asa sa isa’t isa at maglunsad ng bungkalan at bagsakan para makakubra ng kabuhayan.

Larawang kuha ni Lawrence Francisco

Pag-aalsa mula sa pagsasamantala

Sa loob ng maraming taon, sa karit at pagbubungkal tumitindig ang kinabukasan ng mga magsasaka ng San Jose del Monte, kung kaya palaisipan kung sa papaanong paraan magkakaroon ng bala at matataas na kalibre ng mga baril sa kanilang tahanan tulad ng naratibo ng mga puwersa ng estado.

Ngunit hindi nananatiling maliit at tila pinagsasamantalahang sahig ng kalikasan ang mga magsasaka sa kanayunan ng SJDM — sa unyon at sama-samang pakikibaka kumapit ang marhinalisadong sektor upang makamtam ang inaasam na kalayaan sa pagbubungkal ng matabang lupa.

Sa tulong ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isang pambansang unyon ng mga magsasaka sa bansa, nakapagtitipon sila upang sumali sa militansya para sa kasarinlang makapagsaka at makapaghanapbuhay sa sariling lupa. Higit pa rito, natutulungan sila sa pag-usad ng kanilang kasong Anti-Squatting na tungkol sa pagmamay-ari ng lupa at pagsasaayos ng negosasyon sa iba’t ibang lebel.

Sa gitna ng tumitinding paghigpit ng makapal na tali ng burgesya komprador sa kanilang mga leeg, lubhang mahalaga ang pakikipagbunong kanilang ginagawa upang maprotektahan ang lupang ipinaglaban na ng kanilang ninuno. Ang mga kuwento ng magsasakang bagsakan na sina Roland, Conchita, at Thelma ay hindi nalalayo sa nararanasang panggigipit ng maraming magsasaka sa bansa — manipestasyon na maging ang sakada ay hindi nakaliligtas sa kamay ng panunupil.

“Kung kaya pa naming ipaglaban, kaya pa. Dito na namin kinukuha ang ikinabubuhay ng aming mga pamilya. Hangga’t sa kaya po namin at may maitutulong sa amin, nandito pa rin kami, tatayo pa rin, titindig pa rin,” paniniwala ni Mang Roland.

Harvey Sabado is the Development Communication Editor of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a second-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Audrey Lex Bago is a sophomore staff writer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a second-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Sign up to discover human stories that deepen your understanding of the world.

Free

Distraction-free reading. No ads.

Organize your knowledge with lists and highlights.

Tell your story. Find your audience.

Membership

Read member-only stories

Support writers you read most

Earn money for your writing

Listen to audio narrations

Read offline with the Medium app

--

--

No responses yet

Write a response