Sa Rurok Ng Kawalan: Pagpapagal Ng Barangay Kalawakan Sa Naghihingalong Serbisyong Telekomunikasyon
ni John Josua Jusi

Naiwan sa kawalan.
Ganito ilarawan ng karamihan ang Barangay Kalawakan, isa sa pinakamataas na mga lugar sa Dona Remedios Trinidad sa Bulacan. Sa kabila kasi ng kaliwa’t kanang kaunlaran, ang barangay na ito ay hindi pa rin naaabot ng aksesibol na signal.
Matagal na itong iniinda ng mga residente sa lugar dahil bukod sa suliranin na ang kakulangan sa komunikasyon, nagiging balakid din ito para sa mga mag-aaral sa pagtatamo ng kalidad na edukasyon at ligtas na pamumuhay.
Nakasanayang Dusa
“Mahirap po. Hindi po kami makapag-aral nang maayos.”
Ito ang mga binitawang salita ni Michael Valenzuela, 15 anyos at kasaluyang nag-aaral sa ikaanim na baitang sa elementarya.
Mahirap man kung iisipin, tinik din sa kanilang lalamunan ang maigapang ang isang araw ng paghahanap ng signal sa kanilang tahanan kaya nagagawa pa nilang maglakad papunta sa karatig sitio na malapit sa kanilang tirahan.
Ayon kay Michael, minsan pa nga raw ay wala talagang nasasagap sa kanilang telepono.
“Kahit anong gawin ko po [ay] wala e. Sinusukuan ko na lang po talaga ang pagsubok sa data,” saad niya.
Ikaapat sa pitong magkakapatid si Michael. Sa katunayan, ang kanilang pamilya ay hanggang sa ikaanim na baitang lamang sa elementarya ang tinapos at hindi na nakaabot sa sekondarya dala ng hirap ng buhay.
Sina Rovic, Jefferson, at Lawrence na pawang mga kuya ni Michael ay matagal nang nahinto sa pag-aaral. Ang panganay na si Rovic ay nagtatrabaho na lamang sa mga construction site, samantalang ang dalawa ay kasa-kasama na lamang nila sa kanilang munting tahanan.
Pawang kababaihan naman ang mga nakababatang kapatid ni Michael — sina Irish, 11, ikalimang baitang; Anne, 9, ikaapat na baitang; at Jane, 6, unang baitang sa elementarya. Sa makatuwid, si Michael na ang may pinakamataas na antas ng natapos kung sakali mang maipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral.
Gayunpaman, pito pa rin silang naghahati sa nag-iisang cellphone na mayroon ang kanilang pamilya.
Sa isang ‘fully-charged’ na cellphone, umaabot ng 3 hanggang 4 na oras ang tinatagal ng buhay nito. Sa loob ng mga panahong ito, buhol-buhol kung paano at anong sistema ang gagawin ng mag-anak na Valenzuela matugunan lamang ang mga pangangailangang maibibigay ng internet.
Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) noong 2023, 65% ng mga Pilipino ang hindi pa rin konektado sa internet. Kaugnay nito ang naging ulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2020 na 1,562 eskuwelahan ang wala pa ring linya sa telekomunikasyon, habang 39,335 na paaralan naman ang nangangailangan pa ng progreso pagdating sa elektrikal na koneksiyon.
Ilang beses mang ilako ang kaunlaran, higit na nangingibabaw ang marhinalisasyon pagdating sa aksesibilidad sa edukasyon — bagay na hindi dapat naipagkakait sa bawat Pilipinong nais matuto, kung hindi lang dahil sa lumalawak na kakapusan.

Tiyaga sa wala
Kasabay ng kanyang paghahanap sa naghihingalong signal, inilahad din niya na sanay na silang maglakad nang karagdagang 20 minuto mula sa kanilang kanto, mai-charge lamang ang nag-iisang telepono na ginagamit nilang pitong magkakapatid.
“Wala rin po kasi kaming kuryente dito [sa bahay] kaya bumababa pa po kami doon sa kakilala namin. Sampung piso po ang charge hanggang mapuno [ang cellphone], pero limang piso na lang po dahil palagi naman kami doon,” aniya.
Sa araw-araw na pakikipagpatintero ng kanilang landasin sa paghahanap ng signal, manhid na sa pagod ang kanilang binti magamit lamang nang maayos ang teleponong kanilang gamit. Wala rin naman siyang pamimilian dahil kailangan niya itong maisaksak sa kabilang sitio nang magamit pa ng iba pa niyang kapatid.
“Madalas po, hindi na po kami umaasa na makakuha pa ng maayos na data. Kahit po lumabas kami [sa kanto], wala rin po talaga. Tapos para makatipid, hindi na lang po namin gagawin [ang] assignment namin. Pupuntahan ko na lang ‘yung bahay ni Ate Lydia para makapagcharge,” dagdag pa nito.
Parang lata ng sardinas kung mailalarawan ni Michael ang kanilang sitwasyon sa kanilang tahanan. Hindi umano makapag-aral nang maayos ang mga bata gayong sama-sama sila sa maliit at nag-iisang silid na mayroon sila.
Idagdag pa ang kawalan ng kuryente sa kanilang tahanan dahil hindi umano nila kayang magpakabit sa Meralco.
At sa tuwing mayroong mga takdang aralin sa kanilang klase, umaasa na lamang ang mga ito sa mga kasagutan ng kanilang mga kaklase, o sariling sikap na ring makatapos sa mga dapat.
“Mas madalas po akong walang gawa sa mga assignment ni teacher dahil wala naman po kaming lahat — -baon, at saka wala rin pong trabaho si mama kaya isa lang po cellphone namin, mabilis pa po maubos,” pahayag ni Michael.

Lulan ng walang katiyakan
Pagtatanim lamang ng talong at kamoteng kahoy ang ikinabubuhay ni Emma Valenzuela, 39 anyos, nanay nina Michael. Katulad ng kanyang mga anak, elementarya lamang din ang kanyang tinapos dala ng hirap ng buhay.
Samantalang pagiging tauhan naman sa mga construction sites ang pinagkukuhanang kabuhayan ng kanyang asawang si Romeo, 55 anyos, ikaapat na baitang lamang din ang tinapos sa elementarya.
Pinagkakasya lamang ng mag-asawa ang kakarampot na kita mula sa pagbabanat ng buto sa mga construction sites sa San Miguel at sa mga pananim na inilalako lamang sa hindi bumababang 40 piso.
Kaya mas malabo pa sa kanilang mga mata ang maitungtong ang kanilang mga anak sa highschool dahil hindi nila alam kung paano pagkakasyahin ang kakaunting kita sa buong maghapon at may kalayuan din ang sekondaryang paaralan ng DRT.
Dagok din para kay Emma ang pahirapang akses sa maayos na signal. Bukod sa walang kuryente, mas lalong wala silang kakayahang makabili ng telebisyon sa kanilang maliit na tahanan.
“Hindi naman kami makabili ng TV kasi wala rin naman kami pagsasaksakan. ‘Yung pera namin, ipambili na lang [namin] ng sabon o kaya de-lata.”
Limitado lang din ang kanyang paggamit sa kanilang cellphone dahil ginagamit ito ng kanyang mga anak at mabilis maubos ang baterya ng kanyang mumurahing telepono. Dahil dito, bulag si Emma sa mga dumarating na kalamidad kung mayroon man.
Daing niyang wala siyang ideya kung masisira na naman ba ang kanyang mga pananim sa tuwing hahagupitin ng bagyo ang Bulacan.
“Hindi ko po alam kung may dadating na bagyo. Nung nakaraan nga lang, limas lahat ng pananim kong talong kaya ulit na naman ako sa umpisa. Kapag nakikita kong madilim ang ulap, alam ko namang uulan, pero hindi ko alam kung bagyo ba [ito],” ani Emma.
Dala ng kawalan ng akses sa maayos na signal, idagdag pa ang kawalang kakayahang bumili ng radyo o telebisyon, tanging ang mga sinag ng araw at pagdaan na lamang ng mga ulap ang kanyang kinakapitan sa tuwing kailangan niya ng sagot sa buhay.
“Tanggap ko naman na — mag-uumpisa ulit ako sa mga pagtanim, gaya nitong dumidilim na naman. Naglalakad na lang ako ‘nak sa mga bahay-bahay, baka sakaling may labada, o puwedeng mautangan muna.”

Panatang hinagpis
Sa tagal nang naghihintay ng pagbabago ni Loriely Uliten, 29 anyos, siyam na taon nang nagtuturo sa Kalawakan Elementary School, hindi na siya umaasang makawawala pa siya sa pagiging alipin ng kanyang propesyon.
Kahit sa kanilang paaralan, walang silang sariling koneksyon sa internet. Tanging ang naghihingalong ‘data’ lamang mula sa kanilang telepono ang kanyang kinakapitan, matapos lamang ang kanyang mga gawain sa pagtuturo.
Isinalaysay ni Uliten na dekada na rin silang nagbabaka-sakaling magkaroon ng sariling wifi sa paaralan nang gumaan ang kanilang araw-araw na pasanin sa komunikasyon.
Ngunit malayo mula sa kahilingan, palaisipan pa rin magpahanggang ngayon sa kanilang komunidad kung magkakatotoo pa ba ito o magiging ilusyon na lamang ang kanilang pinapangarap na kaginhawaan.
“Sa isang linggo, nakakaubos ako ng 500 piso para sa load. Malakas kasi kumain ng internet ang paggawa sa laptop. Kaya sa isang buwan, mahigit 2,000 piso ang nagagastos ko para lang sa mga bata,” pag-amin ni Loriely.
Isiniwalat pa niyang hindi naman naibabalik ang perang pinapaluwal niya para sa buwanang gastos sa kanyang mga estudyante. Sa makatuwid, sariling bulsa ang isinasaalang-alang ni Loriely mabigyan lamang ng maayos na presentasyon ang kanyang mga mag-aaral.
“Kanya-kanya kami dito, nak. Minsan kapag ‘di na talaga kaya, saka kami nagtutulungan sa data connection. Pero hindi rin eh, ako pagkauwi ko na lang tinutuloy ang gawa talaga. Pinipilit kong matapos lahat sa bahay ang mga powerpoint,” aniya.
Araw-araw siyang nagpapahatid mula sa kanyang tinutuluyan sa San Ildefonso, Bulacan patungong Kalawakan. At bukod sa pagdurusa ng kanyang bulsa, pasakit din para sa kanilang mga guro ang madalas na interapsyon ng kuryente sa kanilang paaralan.
“Problema ko rin talaga ‘nak ‘yung signal dito sa Kalawakan lalo na’t mas lalong looban ang aming mga classroom. Madalas din mawalan ng kuryente dito nak. Kapag ganoon, hinto talaga lahat dito, at dinadaan ko na lang sa activities.”
Hindi na nakausad ang Kalawakan Elementary School sa modyular na pagkatuto, kung saan patuloy ang kanilang pag-iimprenta ng mga gawain sa papel tsaka pinauuwi sa mga bata para pasagutan.
Gayunpaman, naniniwala si Loriely na hindi epektibo ang ganitong pamamaraan ng pagkatuto.
“Ang problema kasi dito ‘nak ay kapag pinauuwi namin ang mga module sa mga bata, pagbalik ng mga papers ay halos perfect lahat, pero rito sa classroom walang nakakuha ng ganoon,” pahayag pa niya.
Wala na ring iba pang pamimilian para umukit ng pagkatuto sa kamusmusan sa Kalawakan — totoo at hindi na bago, hadlang ang kahirapan sa pagbaybay ng mga antas ng edukasyon.

Taingang Karton
Dehado kung maituturing ang mga gurong katulad ni Loriely.
Panawagan niyang matugunan sana ang kanilang mga pangangailangan sa eskuwelahan. At kung mabibigyan umano ng kaukulang budget para sa kanilang sariling internet connection, mas mapadadali rin daw sana ang kanilang trabahong magturo.
“Pakinggan sana kami ng DepEd, ‘nak. Ang hirap na rin kasi itawid nito [pagtuturo] kung kami parati ang lugi. May pamilya din naman kami,” saad niya.
Sa kabilang banda, sinubukan naming hingin ang panig ng lokal na pamahalaan ng Kalawakan ngunit tumanggi itong humarap sa isang panayam.
Wala pa ring nagtatangkang pag-aralan ang lagay ng mga residente ng Kalawakan maging ang pangkalahatang suliranin sa pagtamo ng signal ng Doña Remedios Trinidad.
Matayog man ang tindig ng kabundukan, nananatiling pagapang ang pag-usad ng aksesibilidad ng teknolohiya sa kani-kanilang buhay. Maitawid man ang isang maghapong pagpapagal makuha lamang ang mga kasagutan sa himpapawid, estrangherong maituturing ang panibagong araw ng hinagpis na kanilang haharapin.
Sa isang inosenteng batang katulad ni Michael, aminado siyang puno ng pangamba at takot ang kanyang puso kung makakapag-aral pa siya sa susunod pang mga taon.
Kahit na naghihikahos sa aksesibilidad, pangarap niyang maipagpatuloy ang kanyang pangarap, maging ang mga kagustuhan ng kanyang mga nakababatang kapatid na babae.
“Gusto ko pong mag-grade 7, para maging captain na ako ng eroplano,” pahayag ng bata.
Sa kalagayang mayroon ang mag-anak na Valenzuela at gurong si Loriely, suntok sa buwan ang makatikim ng kaginhawaan sa rurok ng pagtitiis. Baliwala ang malawak na espasyong maaaring tapakan ng mga residente kung patuloy na sumusikip ang kanilang pagkakataong maging bahagi ng rumaragasang takbo ng modernisasyon.
John Josua Jusi is the Associate Editor of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a second-year broadcasting student from the College of Arts and Letters.