Sa Unang Hakbang Hanggang sa Huling Hantungan: Sining na Ikinabaong ng Panahon
ni Thomas Jacob Santiago

Lahat tayo ay nasa bingit ng kamatayan.
Ang bawat abenida na palagiang bagtasin, wala man sa iisang direksiyon at lokasyon, ay parating tutungo sa mga hangganan. Sa mga kasuluk-sulukan ng tagpo. Sa mga hiningang ang pamimilian lamang ay kung hihinto o magpapatuloy, at sa walang pigil na pag-inog ng mundo, mayroon at mayroong hindi makasasabay sa ikot nito.
Bagama’t binilinan na tayo noon ng mga nakatatanda na hindi hihinto ang ikot ng mundo para sa iyo, sadyang may lugar na naghihintay para sa mga napag-iiwanan at naghihingalo. Sa mga nasa laylayan na ng bangin na may nalalabing oras na lamang bago tuluyang higupin ng kawalan.
Marahil nga, isang kabaong na unti-unting nagsasara ang Malolos. Mistulang nitsong pinaglalagakan ng mga alaala. Ang mga bangkay na minememorya nito ay ang diwa ng sining ng mga mamamayang lumalagi rito — mga minsang tumanaw sa inaasam na ginhawa.

In memoriam: Malolos
Madalas na sinasabi sa atin na hindi natin madadala ang materyal nating pag-aari sa kabilang buhay, na tulad ng mga pangarap, hindi tayo maaaring magdala ng anumang patunay na tayo ay nabuhay sa daigdig ng mga alapaap. Lahat tayo ay dukha sa paglagot ng hininga, ngunit marami ang nagkakapera sa pagbihag ng naagnas na mga mukha.
Tatlumpung taon na ang lapidahan ni Nani, 47 anyos, sa bayan ng Malolos na minana pa niya mula sa kanyang Tatay. na si Mang Nani, at sa kabataan pa lamang niya ay mulat na siya sa reyalidad ng pagbuburol. 17 taong gulang siya noong itinatag ng kanyang ama ang negosyong ito at nasaksihan na niya maging ang pagbabago ng proseso ng paglalapida.
“Dati manual layout, gagamitan mo lang ng pencil tapos ngayon, puro computer,” pagkukwento ni Mang Nani.
Biktima rin ng modernisasyon ang industriya nila, ngunit sa kabalintunaan, ayon sa kanya ay mas masagana ang negosyo ng paglalapida sa kasalukuyan.
“Depende sa laki ng population eh, katulad ngayon, marami, mas maraming tao, maraming opportunity na may magpapagawa. Dati, medyo mahina,” pagpapaliwanag nito.
Sa pag-alala, inilarawan ni Mang Nani ang kinagisnang proseso sa paggawa ng lapida.
“Uukitin mo na para kang naglililok, gano’n dati. Ilalayout mo ng manual, pencil tapos uukitin mo ng kamay mo,” pagbabahagi niya.
Ngayon, aniya, mas napadali ang paggawa. “Layout sa computer tapos ika-cut mo, isasalang sa machine at okay na,” kwento niya.
Kumaunti na ang dadanaking pawis sa paglililok, ngunit nawala na rin ang pagkatao sa masining na pag-ukit dito.
Hindi tulad ng iba na sinusuong lamang ang mga kurba ng buhay na hindi tanda ang mga dahilan, para kay Mang Nani, ang lahat sa buhay ay sining.
“Parang lahat naman kasi ng trabaho [ay] sining. Gagawa ka ng bahay, sining ‘yan. Gumagawa ka ng signboard, sining pa rin ‘yan kasi ike-create mo ‘yung design. ‘Di ko naman maiisip lang ‘yan, ike-create mo ‘yung design [o] layout.”
Maraming kaluluwa pa rin ang naghahanap ng pagkakataong makilala. Ang Malolos, bilang lungsod at modernong siyudad, ay marami ring inilalagak na mga nahimlay. Ito ang dahilang pinanghahawakan ni Mang Nani sa patuloy niyang paglilok sa lapidahan: Maraming nawala ang naghahangad na mahanap.
Simula pa lamang ito ng paglalakbay sa bayan.

Dalawang dekadang walang kabakas-bakas
Likas na ang mga talipapa sa mga palengke — mumunting estasyon ng kalakalan na nagiging sentro ng pagpanik ng ekonomiya ng bansa.
Hindi lingid sa kaalamang nagmumula ang pera sa ibaba, papataas, makipot at maalingasaw ang mga pasikot-sikot na daanan ng Malolos Bayan, ngunit sa pagkalagpas lamang ng tulay sa harapan ng Katedral nito, may payak na karatulang upos kung saan nakasaad ang mga salitang “Tahi-Sapatos” na kinalahid gamit ang itim na tinta.
Tanging isang pares ng bulubunduking sapatos na ipinagmamalaki niyang retasado ang siyang armas ni Richard, 30 anyos, sa pagpapasan ng hinagpis ng hindi mapigil na pag-ibayo ng memorya ng masining na Malolos.
20 taon nang nagreretaso si Richard. Dalawampung taon na rin niyang pinaglukuksa ang unti-unting pagkaupod ng mano-manong pagtatahi ng sapatos buhat ng monopolyang dala ng makinang pantahi.
“Mas maganda ang tahi ng mano-mano kaysa makina, napapaghirapan mo ‘yung ginagawa mo at nakikita ng tao. Ngayong bagong labas kasi, puro makina,” masugid niyang dinaing.
“May experience kasi ‘yan ‘pag ginagawa namin. Sa makina, walang experience, inaabangan mo lang. Ito, may experience siya. Habang nananahi ka nalilibang ka,” dagdag pa niya.
10 taon pa lamang si Richard noong nagsimula siyang manahi ng sapatos sa ngayon ay puwesto niya pa rin sa harapan ng Katedral.
“Naging parte na ako ng simbahan,” saad niya, pero noon pa man ay alam na niyang nalalagas na ang mga sapatero sa Malolos. “Kaunti na lang. Gawa nga na uso ang mga makina.”
Sa dalawang dekada niyang impormal na pagnenegosyo sa harapan ng simbahan, may mga pagkakataong inapak-apakan na rin sila ng sapatos ng mga may katungkulan.
Kahit pilit silang pinalalayas, ayon kay Richard, palagi silang bumabalik. Patuloy siyang nagpadyak, lalo na ngayong may pamilya na siya.
May dalawang anak si Richard, parehas dalawang taong gulang at ang tanging bumubuhay lang sa kanila ay ang nakasanayan nilang negosyo — ang pagreretaso.
“Kapag nakakatiyempo, minsan nakaka-P600 o P800,” pag-amin niya sa kita niya sa pang-araw-araw.
Sa halagang P600 na hindi pa palagian kung kitain, ayon kay Richard ay wala pa siyang naipupundar sa 20 taon niyang pagkayod.
“Puro binibiling pagkain lang, puro sapat lang,” kibit-balikat na sabi nito.
Bagama’t sa gitna ng kasapatang ito, hindi pa rin magawang hindi mangarap ni Richard. Hindi para sa kaniya, ngunit para sa mga anak niya.
“[Pangarap ko na] makapagtapos sila at maabot nila ang mga pangarap nila, hindi para sa akin, kundi sa kanila,” taimtim niyang ibinahagi.
Hindi pa nag-aaral ang mga anak ni Richard. Nasa plano nilang pag-aralin ito sa malapit na paaralan. Maaga pa, ngunit wala namang pinipiling oras ang pangangarap — ngunit minsan ay mahirap nang dumulog sa mga tala kung palagi kang nakasalampak, nakayukong nireretaso ang kasangkapan pang-paa ng ibang tao.
“Wala na, nakuha ko na ang pangarap ko, hanggang dito na lang talaga,” sabi niya, saplot ang waldas niyang mga tsinelas. “Pero masaya naman ako sa pamilya ko sa araw-araw,” nakangiting sambit nito.
Paligoy-ligoy ang mga kalsada sa bayan, ngunit baka nga sa dulo ng kawalan ay makikita mo ang tunay na rason kung bakit binagtas mo ito kahit na hindi pa hulmado ang aspalto sa daan, kahit binaboy na ito ng panahon, kahit tastas na maging ang sapatos mong suot.
Sining din namang maituturing ang pagkakaisa ng litid, ng puso at diwa. Sining ang magmahal — at sining rin ang pagpapayabong rito. Praktisyoner si Richard ng sining na hindi na minana, ngunit maestro siya sa pagtatagpi ng nabasag na kalasag ng ating mga paa sa pagpoprotekta nito sa bubog ng abenida.

Oyayi ng kabataang lulan ng kamatayan
Kapag nagtagal na ang paghihimlay, mapupuno ang lapida ng mga bitak, at saka uusbong dito ang makulay na bulaklak.
Sa pusod ng pampublikong himlayan ng Malolos, may nakatagong tagapagtaguyod ng apoy ng sining na hindi pinapansin kahit matalas ang pang-alab nito.
Nakatago sa isang sulok ng isang mall, malapit sa sinasabing ‘shortcut’ patungong pamilihang bayan, isang munting mundo ang nabubuhay. Dito, sa mga bitak ng kalsada, nagliliwaliw ang mga binhi, sumasabay sa agos ng lungsod.
Madalas nating hindi binibigyan ng pansin ang likha ng mga bata — mga kalahid nila sa papel na hindi mawari, mga pakana nilang kanta at saliwa nilang pagsayaw sa ritmo nito. Nakukubli sa anino ang kabataang magtataguyod sa hinaharap, habang pilit silang pinipisak ng sistemang minamaliit ang kakayahan na bagama’t mumunti ay makinang.
Mapusok ang totoong mundo sa pangarap ng pagkabata, ngunit paraan lamang ito ng kabataang katulad nila na bumuo ng sariling mundo at sining sa gitna ng lipunang ipinagtatabuyan ang mga mumunti.
Inilarawan nina Piyo, JM at Dindin, edad 12 at 8 taong gulang, ang madalas nilang ginagawa kapag sila ay tuliro at bagot. Anila, gumagawa sila ng kung anu-anong laruan yari sa goma, patpat, at kung ano mang ‘anik-anik’.
Nagbabaril-barilan madalas, ngunit hindi ito ang ipinunta nila sa eskenitang ito. Hindi na raw kasi uso ang paggawa ng de-gomang baril.
Pinagpaikot-ikot nila ang trumpo sa kanilang mga palad, at madahas nila itong pinakawalan sa wasak na konkretong daanan. Nagpaligoy-ligoy ang trumpo sa mga tansan, at hahablutin nila ito muli gamit ang pising ginamit sa pagpapaandar nito.
Naghahalakhakan at nagpapakitang-gilas gamit ang trumpo — parang pagbabalik sa panahong sila mismo ang gumagawa ng kanilang mga laruan. Isa-isang inilahad ni JM: “Bayabas, pako, tali.”

Sa makitid na eskenita, nagtaya-tayaan ang mga trumpo, umiikot sa saliw ng dumaraang mga estranghero. Sa bawat indak ng kanilang tuwa, tila hinahabi nila sa hangin ang alaala ng isang sining na matagal nang yumao.
Ngunit totoo ngang umiikot lamang ang buhay. Ang lapida ng nakaraan ay tuluyan nang naburahan ng pagkakakilanlan, naging payak na lamang na kalsadang ikinukubli ng nagtataasang mga gusali. Simpleng kongkretong daanan na lamang ang mga lapidang pinaglalaruan ng mga kabataan ng trumpo at baril-barilan.
Hindi namamatay ang sining, nagbabagong-anyo lamang ito. Likas-yaman itong hindi nauubos.
Ang pinakamataas na bantas ng sining ay ang pagkatao, at ano pa ba ang mas makatao sa pagkalinga natin sa isa’t isa? Sa pamamagitan ng paglalapida, pagreretaso o pagsasaya — wala namang ibang hangad ang sining kundi pagkakaisa.
Dahil hindi lahat ng ikinabaong na ay tuluyan nang namatay. Madalas, nananatili pa rin sa mga abenida ang mga kuwentong sining at naghahangad pa rin ng pagbuhay at pag-alala.
Thomas Jacob Santiago is a freshman staff writer of Pacesetter for A.Y. 2024–2025. He is a first-year performing arts student from the College of Arts and Letters.