Sining ng Protesta
ni Reggie Padawan

Maraming puwedeng maging mukha ang musika. Ilan sa mga ito ay may malalakas na beat na maaaring sayawan habang ang iba ay parang oyayi na inihehele ang mga nakikinig.
Iba’t ibang tunog na likha ng mga musikero na binibigyang buhay ang mga lirikong kanilang isinulat base sa karanasan, imahinasyon, pati na rin ang realidad o mga isyu sa lipunan. At may mga musikerong piniling gawing isang simbolo ng protesta ang musika upang mailahad ang mensahe at kuwento sa paraang malikhain at makapagmumulat.
Isang sound track na may panukalang solusyon, na tuwirang magtatalakay sa naging datos at naratibo ng pagpapabaya at kawalang-katarungan; isang awiting matapos maging paos sa mundong kinagagalawan.
Hindi magpapatinag ang album na inilabas noong 2019 ng grupo ng mga rapper na pinangalanang “Sandata” na nangahas gawing boses ang kanilang musika laban sa administrasyon ni Duterte. Pinangunahan nina BLKD at Calix ang pagbuo ng 12-track album tampok ang iba pang mga musikero kasama ang tulong ng kanilang playwriter na si Mixkaella Villalon at mga tagapanaliksik na sila Nastassja Quijano, Abbey Pangilinan at Ica Fernandez.
Sinimulan nila ang kanilang unang track na “Makinarya” gamit ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibilin sa pulisya na “[but] if you have to shoot, shoot them dead.” Maririnig sa kanta na inihalintulad nila ang pangulo sa amang may kamay na bakal at bukas sa karahasan. Binigyang-diin ng kanta na karamihan ay nagbubulag-bulagan sa makinarya ng pagtokhang kahit dinig na ang putok ng mga baril nila.
Sa track naman na “Boy” at “Stand By” ay hinimay ang kuwento ng mga taong pinaghihinalaang adik kahit walang sapat na ebidensiya. Kasabay ng mabilis na tugtog ay ang pagkagigil ni Onomynous na bitawan ang liriko na “lasalanan nga pala mapagkamalang adik.” Sa kantang ito at maging sa parte ni BLKD sa Stand By na “puwede na bang ebidensya ang hinala?” bilang isang paghimay sa isyu na pangumpleto lamang sila sa quota ng pagtokhang.
Ang tatlong track naman sa kanilang album ay tinalakay ang iba’t ibang uri ng naulilang pamilya ng mga nagiging biktima ng Oplan Tokhang. Sa “Distansya” ay isinalaysay ang hirap ng isang OFW na nawalay sa kaniyang mga anak upang buhayin ang mga ito ngunit hindi lingid sa kaniyang kaalaman ay ang malamig na bangkay ng kaniyang anak niya ang siyang madaratnan, “paano naging tulak ang may kapansanan?”
Sa “Hawak” ay ang naratibo ng naulilang asawa nang mawala ang kaniyang kabiyak sa isang putok ng baril at siya namang hinango sa kuwento ng batang magkasintahan na sina Jerico Camitan at Angel Fernandez na sa huli ay parehong napaslang.
Isinasaad naman sa “Papag” ang tipikal na buhay ng isang pamilyang kapos. Ang mga magulang na pagod sa pagkayod maging ang mga anak na nagbebenta ng aliw para sa panlamang-tiyan hanggang sa biglang gumuho ang haligi ng kanilang tahanan kasabay ng palitan ng mga salita sa kanta na “adik ka ba? (Hindi) Adik ka ba? (Hindi) Adik ka nga! (‘Wag po!)”. Bago matapos ang kanta, maririnig ang boses ng pagsasalaysay ng isang bata, “pula ang alaalang pininta ng kaniyang dugo sa parisukat na papag sa aming tahanan.”
Ang mga tracks na “Neo-Manila” at “Parasitikong Abusado” ay tumatalakay sa usapin ng pasismo. Inilahad sa bahaging ito kung paano abusuhin ng pangulo ang kaniyang kapangyarihan at kung bakit tanging mahihirap lamang ang madaling ipatumba sa giyera kontra-droga ng administrasyon.
Ang “Giyera na Bulag” naman ang isa sa mga track na pang hype ang beat kahit pa madilim ang laman ng mga liriko. Mas malalim ang naging atake ng kanta sa tokhang, isinalaysay rito kung paano ikinakasa ang baril ng pulisya sa kanila kahit walang sapat na ebidensiya.
Malakas ang ingay ng giyera kontra-droga dito sa bansa ngunit tila bulag ang siyang naging interes ng iilan dahil imbes na droga ang labanan, ang taong bayan ang sumasalo sa pagiging bingi’t bulag ng pamahalaan. Binase rin nila ang kanta sa mga bangkay na naiiwan sa funeral home dahil walang pagkakakilanlan at hindi mabigyan nang maayos na burol ng kanilang mga pamilya.
Animo’y isang segment ng pagbabalita ang entrada ng kantang “Pagsusuma”, isinasaad dito kung gaano na nga ba ang bilang ng bangkay sa madugong kampanya kontra-droga. Hinimay dito na hindi lamang nila pinatay ang biktima kung hindi inagawan din ng buhay ang mga taong naulila. Nakalagay din sa piyesa na “kung isang bangkay pa lang? Hindi ba dapat sobra na?” bilang pagsusuma sa kalabisan ng pasismo.
Ang “Walang Maiiwan” ay isang panawagan para sa mga hinaing at sama-samang pagkilos ng mga maralita. Nagsindi ito ng pag-asa na kahit matagal man maghintay, “hustisya’y darating basta hindi ito sukuan.”
Sa pinaka huling piyesa, ay ang pagsasama-sama ng lahat ng mga kumanta para naman sa “Sandata”, ang kantang nakapangalan sa kanilang grupo. Dito ay inilabas ng mga rapper ang kanilang galit laban sa Oplan Tokhang, pasismo at kay Duterte gamit ang kanilang musika. Nagsilbi itong pantawag ng atensyon sa mga tao bilang isang pagtatapos ng pagiging paos at “oras na, laban na, tara na, itaas na ating sandata!”
Bukod sa naging tunay na datos at pananaliksik, ang galit at sakit na inilatag ng mga musikerong ito kasabay ng mabilis at maalon na tugtugan ay isang sining at protesta na hindi lamang musika ang handog ngunit isang panawagan laban sa administrasyong abusado.